Chào các bạn! Truyen4U chính thức đã quay trở lại rồi đây!^^. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền Truyen4U.Com này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER TWO

CHAPTER TWO

“MISS, pwedeng makipagkilala?”

Napakunot ang noo ni Tere nung mapansing merong isang umuusok na kape sa harapan niya. Subsub na subsub kasi siya sa ginagawang report at halos dumikit na yung mukha niya sa patient’s chart kaya di niya napansin na merong lumapit sa kanya’t nagbigay ng kape. Natigilan siya sandali at inangat ang mukha para mapasino ang nagdala ng kape. Para nakakita ng multo ang reaksyon niya kaya di napigilan ng kaharapan na mapagbulaghit ng tawa.

“M…Migoy!”

“O bakit parang nakakita ka ng multo? Buhay pa ako! O baka naman may multo sa likod ko! Nge takot ako!” At makulit itong nag-astang Matet De Leon with her famous line in the 80s.

Napabulaghit na rin ng tawa si Tere sa ginawa ni Migoy. Pati mga kasamahan niyang nasa nurse station ay napatawa na rin. Simula ng nakakalakad at nakakalabas ng kwarto si Migoy ay malimit itong pumapasyal sa kanila sa nurse station kaya nakapalagayan loob na rin ito ng mga kasamahan niya.

“Busy ka ba?”

“Di naman masyado. Inaayos ko lang yung chart ng mga pasyente.” Nakangiting sagot niya sa tanong nito pero sa loob-loob niya ay ito ang gusto niyang sabihin sa binata, “kahit busy ako Migoy ay iiwanan ko ang ginagawa ko para sa’yo!”

“You’re blushing!”

“Huh? Weehhh! Paano naman ako magbublush aber eh di halata sa maganda kong complexion!” Ganting biro ni Tere.  Mainit na mainit na ang kanyang pisngi pero dinadahilan pa din niya na na di mahahalata ang pamumula dahil sa kanyang morenang kumpleksyon.

“Ayan o nagbabaga ang mga pisngi mo.” Sabay dampi ni Migoy ng palad sa kanyang mga pisngi kaya mas lalong lumakas ang tambol ng dibdib ni Tere na animo’y may mga dagang nagkakarera.

“Hindi ah! Guni-guni mo lang yun.” Sabay tampal ng kamay nito para dismulado ang totoong nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Mas lalong lumapad ang ngiti ni Migoy na tila ba huling-huli na siya nito.

“Bakit mo pala natanong kung busy ako? May kailangan ka ba Sir Migoy?” Paseryosong sambit ni Tere. She’s really trying hard to compose herself pero sadyang pinagkakanulo siya ng sariling katawan at di niya maitago ang ngiti.

“Huwag mo kasing pigilan at baka ika’y kabagan.” Pabulong na sambit ng isa niyang kasamahang lumapit sa kanya. Kinurot ito ni Tere at nakita iyon ni Migoy kaya muli itong tumawa ng malakas.

“O ano na?” Muling tanong ni Tere kay Migoy.

“Ah ladies, pwede bang mahiram muna itong maganda si Nurse Tere?”

Bago pa makasagot si Tere ay nagchorus na ang mga kasamahan sa pagpayag. Kinuha ng mga ito ang ballpen at chart nahawak niya at nilagay ang kape sa kamay at itinulak siya palabas ng nurse station.

“Teka lang. Tatapusin ko lang yung report. Kailang na ni Doc Jasmine eh.”

“Kami na bahala Tere. Sige Migoy, ipasyal mo nga ng kaunti yan dahil masyadong workaholic eh.” Ani ng head nurse nilang si Ms. K na kinikilig sa kanilang dalawa.

“Thanks Ate ha. Tara na.” Sabay lahad ni Migoy ng kamay sa kanya. Naka crutches ito ng isa dahil sa namamagang paa kaya kahit nahihiya si Tere ay kinuha niya ang kamay ni Migoy para alalayan ito sa kanilang pupuntahan. Habang naglalakad sila ay sige pa rin ang pangangatiyaw sa kanila ng mga kasamhan.

SIMULA ng naconfine sa ospital si Migoy ay naging magkaibigan na rin sila ni Tere. Dahil sa pareho sila ng school na pinapasukan dati at dahil sa mahilig si Tere sa basketball ay marami silang napag-uusapan. Nitong mga huling araw na nakakalabas na si Migoy ng kwarto ay niyaya nito si Tere para pumunta sa maliit na garden ng ospital at dun sila ng uusap ng kung ano-ano o mas tamang sabihing nagkukulitan. Tama nga ang hula ni Tere dahil totoong mabait si Migoy. Hindi ito mayabang kahit ba sabihing sikat na sikat ito sa larangan ng basketball. Sa katunayan ay may karapatan naman itong magyabang dapat dahil bukod sa kagalingan nito sa basketball ay isa pa itong commercial model. Pero gayun pa man ay di ito nakikitaan ng kaunti mang pagka-arogante kaya mas lalong humanga si Tere dito.

“Ano bang plano mo? Dito ka lang ba magtetherapy or pupunta ka sa ibang bansa?”

“Dito na siguro. Magpapahinga lang ako sandali tapos pag may clearance ng doctor na pwede na ako maglaro ulit, sabak na ulit sa training tapos bakbakan na naman. Nga pala, bakit sa basketball ka nahilig?”

“Eh magkaroon ka ba ng kapatid at mga pinsan na mga barako ay ewan ko na lang kung di ka ba maimpluwensyahan sa basketball.”

“Talaga? Hmmmnnn let me guess, ikaw ang nag-iisang prinsesa sa inyo na ginawa na rin nilang barako. Tama ba?”

“Parang ganun na nga. Gustong gusto ko yung thrill ng basketball. Kaya nga sabi ko sa sarili ko na mag-aasawa lang ako sa taong marunong at nakakaintindi ng basketball.”

“Buti pala marunong ako magbasketball…”pabulong na sambit ni Migoy.

“Ano yung sinabi mo?”

“Wala! Sabi ko ang bilis lang pala ng requirement mo kasi karamihan ng lalaki marunong magbasketball.”

“Ah oo nga ano.” Nginitian ni Tere si Migoy pero gusto na naman niyang sakalin ang sarili dahil na carried away na naman siya sa pagkukwento kay Migoy. Ewan ba niya’t pag ito ang kaharap ay parang nawawalan ng preno ang bibig niya at hindi hinihintay ang sinasabi ng kanyang utak.

“Uwi na pala ako bukas.”

“Oo nga. Congrats ha and sana nag-enjoy ka sa stay mo dito sa ospital.”

“Sa totoo lang oo na-enjoy ko yung stay ko dito. Mababait kasi kayo sa akin lalo ka na. Salamat Tere ha.”

“You’re welcome Sir Migoy.”

“Sir na naman. O cya thank you Nurse Tere!”

Nagkatawanan silang dalawa at muling nagkulitan kagaya ng lagi nilang ginagawa nitong mga nagdaang araw. Magkatabi silang naka-upo sa isang bench sa garden na iyon.

“Migoy, nandito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap and you’re not even answering your phone.”

Natigilan silang dalawa sa pagtatawanan nung marining ang yamot na boses ni Tiffany. Biglang umayos ng upo si Tere at muling sumeryoso ang mukha. Maging si Migoy at napawi rin ang bungisngis na ngiti.

“Tif, bakit?”

“Anong bakit? Aren’t you even glad to see me? At ano ang ginagawa ng nurse na ito dito? Sinuswelduhan ka sa oras ng trabaho at naglalakwatsa ka lang at nakipagharutan sa pasyente. Don’t you have any manners at all?”

Umiinit ang bunbunan ni Tere sa sinabi ni Tiffany at akma siyang sasagot sana nung maramdaman niya ang pagpisil ni Migoy sa kanyang kamay kaya minarapat niyang manahimik at magpaalam rito na babalik na sa pwesto.

“Sige Sir Migoy. Tapos na po ang breaktime ko. Magpagaling po kayo at ipaprocess ko na yung discharge niyo para bukas.” Binigyang diin ni Tere ang katagang breaktime para marinig ni Tiffany at walang sabi niyang iniwan ang dalawa.

Muli niyang nilingon ang dalawa bago siya tuluyang pumasok sa ospital. Natanto niyang parang nagtatalo ang mga ito. Kahit kailan talaga agaw eksena itong si Tiffany sa moment nila ni Migoy. Nakikita niyang nag-iiba ang ekpresyon ng mukha ni Migoy pag si Tiffany ang kausap. Pero kung may isang tanong siyang nakaligtaan na itanong kay Migoy ay kung ano ang relasyon nito kay Tiffany. Dahil sa fan siya ni Migoy ay sinusubaybayan niya ang buhay nito. Walang inaamin si Migoy tungkol sa kanila ni Tiffany pero gayun pa man ay prominent figure si Tiffany sa buhay ni Migoy. Kung si Tiffany ang iniinterview dahil isa itong artista ay parang lagi itong nagpapahiwatig na may relasyon sila ni Migoy pero sa tuwinang tinatanong naman si Migoy ay laging no comment lang ang sinasabi nito. Napabuntunghininga na lang si Tere sabay kibit-balikat habang naglalakad pabalik sa nurse station.

ARAW ng paglabas ni Migoy sa ospital ay nakataon namang day-off ni Tere kaya di na niya ito naabutan nung bumalik siya sa ospital. She felt the emptiness dahil di na niya nakikita si Migoy. Pero gayun pa man ay pasalamat pa din siya na nakilala niya ito ng lubusan at kahit paano ay may magandang alaala siya.

“Nakakamiss din pala na umuwi na si Sir Migoy ano?” Ani Nurse Diana Jane.

“Oo nga. Kahit sikat yun eh di alintana ang pakikipagkulitan sa atin. Mabait talaga yun kaya maraming tanghanga. Maiba ako, girlfriend ba niya yung artistang si Tiffany? Alam mo di ko gusto yun. Parang ang arte-arte at kung makakapit kay Migoy ay parang tuko. Minsang ngang tinulungan ko si Migoy eh kung makabantay ay para akong kakaining buhay. Basta arte talaga.” Di na mapigilang magkomento ng isa pa niyang kasamahang nurse na halata ang pagkangitngit kay Tiffany.

“Ikaw ba Tere, di ka tinarayan nun kasi close kayo ni Migoy eh.” Tanong sa kanya ng head nurse na si Ms. K.

“Nako Ate K, abot kaya hanggang 5th floor yung kilay nun! Kung anong iginanda ng mukha ay ganun naman kapangit ang ugali.” Muling uminit ang bunbunan ni Tere nung maalala ang masasamang sinabi ni Tiffany sa garden nung isang araw. Di pa niya naikwento sa mga kasamahan ang encounter na iyon.

“Napansin ko nga. Teka nung nasa garden kayo ni Migoy ay rumagasa yun dito at hinahanap si Migoy. Nakakatawa nga eh kasi nagpanic nung makitang wala sa kwarto si Migoy. Kesyo baka daw kinidnap na. Gusto kong pektusan talaga.” Halata ang yamot din ni Ms. K rito.

“Girlfriend ba yun ni Migoy?” Tanong ni Nurse Diana Jane sa kanya.

“Ma at Pa!”

“Malay mo at pakialam mo! Eh bakit kasi di mo tinanong! Naman eh!” Hirit ni Nurse Cha naman.

Kibit-balikat lang isinagot niya at pinagpatuloy na ang ginagawa.

“PAUWI ka na Tere? Ingat ka sa pag-uwi ha. Umuulan pa man din.”

“Opo Ate K. Lakas nga ng ulan sa labas eh. Nako hirap na namang sumakay nito.” May bahid na lungkot ang tinig ni Tere kasi alam niyang pahirapan na namang sumakay mamaya.

Tatawagan niya sana ang mga kapatid na magpasundo pero dahil alam niyang may liga ito ng basketball ngayon ay malabong masusundo siya ng mga ito kaya magtyatiyaga na lang siyang mag-abang ng masasakyan. Nagmamadali din siyang umuwi dahil gusto niyang mapanuod ang laro ng mga kapatid.

“Nga pala Tere, may nahanap sa’yo kanina kaso naka lunchbreak ka eh.” Sabi ng isa niyang kasamahang bagong nurse.

“Sino po?”

“Sorry di ko nakuha yung pangalan.”

“Ah ok lang. Siguro babalik naman yun pag may kailangang importante. Sige po alis na ako.” Di na inalam ni Tere kung sino ang naghanap sa kanya dahil mas inaalala niya kung paano siya makakarating sa lugar kung saan dinaraos ang championship game ng mga kapatid. Nasa kanya kasi ang Gatorade na titimplahin para may “energy” ang mga kapatid mamaya sa championship game ng mga ito.

“Nako lagot talaga ako nito ke Kuya Jason pag di ako umabot sa basketball nila.” Nababahalang sambit ni Tere habang bitbit ang bag at nag-aabang ng jeepney sa may sakayan.

Gaya ng inaasahan ay punu-an ang mga jeepney na dumaraan at pati na rin ang mga taxi.

Sige pa din sa pagpara ng masasakyan si Tere nung biglang may pumaradang sasakyan sa harap niya. Instant na kumunot ang noo ni Tere dahil hinarangan siya nito at mas nahirapan siyang pumara ng sasakyan.

“Tere!”

Di narinig ni Tere ang sigaw na iyon kaya muling sumigaw ang nasa loob ng sasakyan pero dahil desperado si Tere na makasakay ay di pa rin niya iyon napansin. Biglang dumungaw ang tumatawag sa kanya sa bintana.

“Tere, sakay na!”

Natigilan si Tere at nanlaki ang mga mata nung mapasino ang tumatawag sa kanya.

“Migoy!”

“Sakay na bilis. Hatid kita sa inyo. Ang lakas ng ulan. Bilis.” At binuksan nito ang passenger seat para siya makasakay.

Kahit nahihiya man si Tere ay di na din siya nagpakipot dahil sa lagay ng panahon ay aabutin siya ng siyam-siyam bago makasakay.  May dalang driver si Migoy kaya parehong nasa likuran sila nakapwesto.

“Nako Sir Migoy pasensya na po. Nabasa tuloy kotse mo.” Paghingi ni Tere ng paumanhin nung mabasa ang upuan dahil sa payong niya.

“Ok lang yan. Buti nakita kita. Sa kalagayan mo kanina, mahihirapan ka talagang makasakay. Mukhang balisa ka ah.”

“Oo. Nagmamadali akong umuwi kasi championship game nila kuya ngayon eh. Sir Migoy, dun na lang ako kung saan pwedeng makakuha ng taxi. Huwag mo na akong ihatid sa amin. Mapapalayo pa po kayo eh.”

“Sir Migoy na naman. Migoy na lang tsaka walang po at opo.”

“Ay oo nga. Dun na lang ako sa may sakayan Migoy.”

“No I insist in taking you home. Dumaan pala ako sa nurse station kanina pero nakalunch break ka ata. May therapy kasi ako kanina.”

“Ah si Migoy pala naghanap sa akin kanina. Bakit kaya?” Sambit ng isip niya.

“Ah ikaw pala yun. Bakit?”

“Wala naman. Dumaan lang at mangungumusta sa mga nagagandahang nurses.”

“Wow ha! Mambobola lang. Excuse me at natapakan mo ang buhok kong pagkahaba-haba.”

Napahalakhak si Migoy sa hirit ni Tere.

Gustong-gustong kasama ni Migoy si Tere dahil ika nga there’s no dull moment with her kasi pala kwento ito at magiliw na kausap.

“Seryoso Migoy, dyan na lang ako. Mapapalayo ka pa eh.”

“No I still insist. Tsaka gusto kong manuod ng laro ng mga kuya mo. Championship game yun di ba so bakbakan yun. Saan ba ang liga nila?”

Nashock si Tere sa gustong gawin ni Migoy. Nako tiyak na gaganahang maglaro ang kanyang mga kuya pagnakitang kasama niya si Migoy. Favorite din ng mga ito ang huli at pati mga teammates nito ay team ni Migoy ang sinusupportahan sa PBA. Lumakas tuloy ang tambol ng kanyang dibdib sa excitement.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com