Chapter 23
Chapter 23
Sinubukan ako ni Mauve na iligtas mula sa Subic trip, pero wala siyang nagawa. Syempre, tatay pa rin namin si Papa. Kapag sinabi niya na sasama ako, sasama ako. Ewan ko ba. Kahit siguro maging abogado na ako at tumanda ako, tiklop pa rin ako kay Papa.
Saka ayoko ng gulo.
Isang weekend lang naman.
Akala ko ay kasama namin si Mama papunta ng Subic kasi nga usually ay siya naman ang kasama kapag may mga ganitong event ni Papa. Ako lang iyong kasama tapos ay naiwan si Mama sa bahay kasama si Mauve. Nung tinanong ko kung bakit, sabi lang nila na para daw may kasama si Mauve. 'Di na lang nila sabihin na kailangan nila bantayan si Mauve kasi hanggang ngayon e kung pwede lang nila ikulong sa bahay si Mauve ay gagawin nila.
"Bakit po?" tanong ko nang kalabitin ako ni Papa. Natutulog lang kasi ako sa passenger seat habang nagda-drive siya. 'Di naman kasi ako pwedeng magtext kasi katabi ko siya. Saka mamaya magtaka pa 'yon kung bakit message nang message sa akin iyong GLOBE.
"Gusto mong huminto sa gas station?"
I shrugged. "Ikaw po. 'Di naman ako nagugutom."
Gusto ko na lang makarating sa hotel. Thankfully, magkaiba kami ng kwarto ni Papa. Nakaka-suffocate kung same room kami. Kung ganon lang din, talagang matutulog lang ako buong weekend o kaya magtitiktok.
Mukhang si Papa iyong naiihi kaya huminto kami sa gas station. Pagka-labas na pagka-labas niya sa sasakyan, agad akong tumawag kay Atty. Marroquin.
"Good morning," agad na sagot niya. After three rings ay sumagot na siya.
"Good morning. Aga mo nagising, ah," sabi ko kasi 7AM pa lang kaya. Sana naka-early check-in si Papa kasi ayokong tumambay sa lobby o kung saan man.
"I told you I'm a morning person," sagot niya sa akin.
"Ano'ng ginagawa mo?"
"Getting ready for my morning run."
"Sa BGC?"
"Yes. Ikaw? Ang aga mo nagising."
"Morning person din ako."
"Really," sagot niya sa akin. I could already imagine him staring at me like he knew that I was lying. Bahagyang naka-tilt sa side iyong ulo niya at parang hinihintay niya lang ako umamin na nagsisinungaling ako.
Ang weird talaga kapag lagi kayo magkasama na tipong alam mo na ang mannerisms ng isang tao.
"Oo kaya," sagot ko.
"What's your morning routine, then? Gising tapos tiktok?"
"Alam mo, ang hater mo ng tiktok. Ang dami kayang educational na tiktok."
"Seriously?"
"Yes."
"What's next? Source mo ang Wikipedia?"
"Hater ka talaga."
Tumawa siya. "A bit," sabi niya.
"Finally, some honesty," sagot ko sa kanya tapos narinig ko na naman iyong mahinang halakhak niya. Tsk! Kasalanan talaga 'to ni Papa. Imbes na nasa Subic ako, sana e nasa Manila na lang ako. Weekend pa naman ngayon. Walang work si GLOBE. Pwedeng-pwede ako tumambay sa condo niya.
Hirap din pala na may trabaho iyong... lovelife mo. Ano ko ba kasi siya? Ang hirap naman kasi paano kapag may nagtanong kung ano kami? Ano'ng isasagot ko? Basta masaya kami.
Ayoko rin naman 'to itanong over the phone. Saka na nga pagbalik ko sa Manila. Hindi ko rin naman alam kung paano 'to i-bring up. Kailangan ko ng payo ni Mauve dahil pakiramdam ko e naka-ban na ako doon sa subreddit. Mga haters nandon, e. Lagi na lang ako dina-downvote.
"What are you up to?" tanong niya.
"Papuntang Subic."
"Oh. What for?"
"Di ko rin sure."
"What? Na-kidnap ka ba?"
"Parang ganon na nga," sagot ko tapos sinandal iyong ulo ko sa bintana. "Di mo ba kayang dito na lang sa Subic magjogging?" pabiro kong sabi kasi 'di ko talaga alam kung paano ko isusurvive 'tong weekend na kasama si Papa. Wala si Mauve as shield. Saka mas masaya kasi kapag kasama siya dahil audience lang ako habang iniinis niya iyong magulang namin.
Naka-rinig ako ng beep mula sa phone ko. Pagtingin ko ay nakita ko na naman na nagrerequest ng FaceTime si AVM. Tsk. Sana mahaba pila sa CR para mamaya pa maka-balik si Papa.
"Nasa Subic ka talaga?" sabi niya nang sagutin ko iyong tawag niya. Bago ko sagutin iyon, minake sure ko na naka-lock iyong pinto dahil baka biglang sumulpot si Papa.
Tumango ako. "I mean, wala pa. Nasa expressway pa ako."
"Oh, okay," sabi niya.
Damn.
Ang gwapo niya talaga.
I mean, gwapo naman siya talaga. Gwapo siya kapag naka-usual look siya aka lawyer mode. Madalas kapag nakikita ko siya ay naka-suot siya nung short-sleeved polo, black slacks, saka black leather shoes. Pero mas gusto ko kapag naka-casual na attire lang siya. Tulad ngayon. Naka-white na dri-fit shirt lang siya tapos black na running shorts. Naka-suot din iyong airpods niya saka iyong black cap niya.
Ang gwapo-gwapo pero ayokong sabihin kasi lalaki na ulo nito masyado.
"Kailan balik mo sa Manila?"
"Sunday pa ata."
"Oh..."
"Bakit? Mamimiss mo ako?"
Tumawa siya. "Yeah, of course, pero mukhang mas mami-miss mo ako."
Umirap ako. "San ka after mo magjogging?"
"Brunch."
"May kasama ka?"
Tumango siya. "Office friends."
"Wow, may kaibigan ka pala."
"Friendly ako."
"Saang part?" sabi ko sa kanya. Gusto ko pa sanang itanong kung sinong kaibigan pero nakita ko na naglalakad na pabalik si Papa. Tsk. "Aalis na pala kami. Bye!" mabilis na sabi ko bago pa mapansin ni Papa na may kausap ako sa sasakyan.
Pagbalik ni Papa, agad niya akong inabutan ng pagkain. Bumili pala siya kaya medyo natagalan. I thanked him. I felt a bit guilty kasi nagsisinungaling ako sa kanya... pero anong magagawa ko? Alam ko kasi na hindi siya magiging masaya na masaya ako.
* * *
Para hindi ma-bore, nagconnect na lang ako sa sasakyan ni Papa tapos nakinig ng podcast. 'Di ko na kasi kayang matulog. Nasobrahan na ata ako.
Pagdating sa hotel, thankfully ay hinayaan kami na mag-early check-in. Minsan thankful din ako sa privilege na meron si Papa dahil sa mataas na position niya sa NBI. I mean, ma-reklamo ako pero gets ko pa rin naman na privileged ako. Mataas lang talaga pride ko kahit papaano pero alam ko na kung ayoko talaga magtrabaho, babayaran naman nila Papa iyong tuition ko.
"Yes?" sabi ko nang kumatok si Papa sa kwarto ko.
"Lunch mamaya."
"Kailangan kasama ako?" I asked. Tumango siya. "Okay."
Weekend lang naman 'to.
The whole day, kasama lang ako ni Papa. Kasama niya ako sa lunch tapos lumabas kami kasama iyong mga ka-trabaho niya. Naka-tunganga lang ako habang naglalaro sila ng golf. 'Di kasi nagrereply si Atty. Marroquin. Gusto ko siya i-double text pero sabi nga niya na kung hindi siya nagrereply, assume na busy siya dahil kung free siya ay magrereply naman siya.
Ang hirap pala maging understanding.
After ng golf nila, dinner naman. Hindi ko alam kung bakit nandito kami. Also, gobyerno ba nagbabayad nito? Ng golf trip nila? Kung oo, grabe... Samantalang si Atty. Marroquin e mas inuuna ang taxpayers kaysa sa akin.
Ang balak ko talaga ay umalis agad after ko kumain. Kung magdedessert pa sila ay 'wag na. Oorder na lang ako sa room service. Gusto ko na talaga matulog dahil pakiramdam ko ay naubos ang braincells ko sa panonood sa kanila mag-golf. Nakaka-pikon iyong laro na 'to. Gusto ko na lang pulutin iyong bola at i-shoot doon sa butas.
Pagdating namin sa resto, gusto ko na lang agad tignan iyong menu para at least ay matuwa naman ako.
"Mauro, si Angeline, anak ng Tito Francis mo," sabi ni Papa nang may sumalubong sa amin na babae na mukhang kaka-tungtong pa lang ng college.
"Hi," sabi ko saka bahagyang tumango sa kanya.
"Hello po," sagot niya sa akin na naka-ngiti. Halatang nahihiya siya sa akin.
Mukhang balak akong gawing baby sitter dahil doon kami pinaupo sa separate na lamesa. Sabi ni Papa ay may work-related sila na pag-uusapan kaya pina-hiwalay kaming dalawa.
Inabutan ko siya ng menu dahil naweweirduhan ako at kanina pa siya naka-tingin sa akin. Binasa ko na lang din iyong menu saka inilagay iyon sa harap ng mukha ko para takpan. Gusto ko sanang umorder ng pinaka-mahal pero kung government fund ang gagamitin, nakak-guilty naman umorder ng mahal.
Kasalanan 'to ni Atty. Marroquin! Bigla akong nagka-pakielam sa kaban ng bayan.
"Law student ka po?" biglang tanong ni Angeline.
Tumango ako after ko ibaba iyong menu. "Ikaw?"
"College student pa po. PolSci, pero gusto ko rin pumasok sa law school after college."
"Ah... Ano'ng year ka na ba?"
"Second year."
"Ah, okay. Good luck."
Wala talaga akong socialization skills. Baka tama nga si Atty. Marroquin na sa aming dalawa, siya ang friendly. Nakaka-gimbal na katotohanan, if ever.
"Mahirap po ba iyong law school?" tanong niya.
I shrugged. "Mahirap, pero nadadaan naman sa sipag."
Ang daming tanong ng batang 'to na hindi na ako naka-pili ng kakainin ko. Nung dumating tuloy iyong waitress ay nagpanic ako at pinili na lang iyong unang nakita ng mga mata ko.
Buong gabi ay sumasagot lang ako sa tanong ni Angeline. I mean, okay lang naman. Mas okay na siguro iyon kaysa kanina na halos gusto ko ng i-drive pabalik sa hotel iyong golf cart at abandunahin sila Papa sa golf course.
"Kuya," pagtawag sa akin ni Angeline nung sa wakas ay paalis na kami. Huminto ako at saka tumingin sa kanya. "Pwede pong hingin Instagram account niyo?"
I shrugged. "Okay," sagot ko sa kanya.
"Thank you, Kuya!" sabi niya tapos ay ngumiti at saka naglakad paalis.
Pagpasok ko sa sasakyan kasama si Papa ay excited na akong bumalik sa hotel at matulog. Siguro naman ay free na si Atty. Marroquin. Pero Saturday night kasi ngayon... baka may dinner siya o kung anuman with friends. Ayoko naman mag-inarte kasi kapag ako may lakad kasama mga blockmates ko ay sinusuportahan niya ako.
Once again, being understanding doesn't come naturally for me pala.
"Mabait na bata iyong si Angeline," sabi ni Papa bigla. Tumango na lang ako. "Saka matalino raw."
"Good for her," sagot ko kasi ano ba dapat sabihin sa ganon? Saka pakielam ko naman?
"May crush daw sa 'yo sabi ng Tito Francis mo."
Agad akong napa-tingin kay Papa at napa-kunot ang noo. "Ha?"
Paano akong naging crush non e first time ko lang makita 'yon?
"Nakaka-sama mo na 'yon dati kapag may party sa trabaho," sabi ni Papa.
Hindi na lang ako nagsalita kasi bigla akong na-awkward. Kaya ba ako sinama ni Papa dito para makilala iyong Angeline? Nirereto niya ba ako sa anak ng kaibigan niya?
Pambihira.
Kung alam niya na talaga iyong kay Atty. Marroquin, imbes na pabayaan na lang ako, ang una niyang ginawa ay ihanap ako ng babae? Na para bang magbabago ang isip ko?
Hindi pa rin pala nagbabago si Papa.
* * *
Tahimik lang ako hanggang maka-balik kami sa hotel. Ramdam ko na ramdam ni Papa iyong inis ko, pero wala akong pakielam. Nakaka-badtrip lang kasi talaga siya.
Pagbalik ko sa hotel room, naglagay agad ako ng Do Not Disturb sign. Alam ko na para sa staff ng hotel iyon, pero sana ma-gets ni Papa na para din sa kanya 'yon.
Pinilit ko iyong sarili ko na magtiktok na lang kasi hindi pa rin nagrereply si Atty. Marroquin. Busy siguro siya.
Walang kwenta iyong tiktok.
Nanood ako ng Netflix, pero wala akong mahanap na maganda.
Si Mauve din hindi nagrereply.
Nag-google na lang ako ng kung may malapit ba na bus station dito kasi gusto ko na bumalik sa Manila. Nakaka-badtrip talaga si Papa. Akala ko kahit papaano ay may improvement siya dahil sa after-effect kay Mauve nung mga ginawa nila. Pero mali pala ako. Ganon pa rin siya—baka nga mas lumala pa.
Habang naghahanap ako ng bus na bukas pa ngayong 9PM ay bumilis ang tibok ng puso ko nang may lumabas na notif from GLOBE sa screen ko.
'How was Subic?'
Imbes na sumagot sa message niya ay agad akong nagrequest ng FaceTime.
"Hey," sabi niya nang sagutin niya iyong tawag. Nasa sasakyan niya siya at mukhang nagda-drive. "Everything all right?" tanong niya sa akin na para bang ramdam niya iyong pagka-badtrip ko.
Umiling ako. "Hindi."
"Wanna talk about it?"
"Hindi muna."
"Okay," sabi niya. "You wanna hear about my day?"
"Yes, please."
Naka-tingin lang ako sa mukha niya habang nagsasalita siya. Sinabi niya na nagjogging nga siya tapos brunch kasama iyong mga kaibigan niya from work. Tapos umuwi na siya at naglinis ng condo (very him). Nagpahinga siya for a while then dumiretso sa gym. Sa condo niya lang pala siya nagggym. Baka maganda iyong amenities ng condo niya. Aba, dapat lang! Tapos may inattend-an daw siya na IBP dinner.
"Daming nangyari sa araw mo, ah."
"I know. Looking forward to going home."
"Malapit ka na ba sa condo mo?" Umiling siya. "Ah... traffic siguro. Saturday, e."
Tumango siya. "Traffic dito sa NLEX."
Kumunot ang noo ko. "NLEX?"
"Yeah."
Nanlaki iyong mga mata ko. "Pupuntahan mo ako?!"
Natawa siya. "I mean... yeah. Since you asked so nicely earlier."
"Weh? Seryoso nga?"
Tumango siya. "Would've gone earlier, but I already had prior commitments," sabi niya sa akin tapos nakita ko sa background na mukhang nasa NLEX nga siya kasi nakita ko mula sa background iyong tollgate.
"Niloloko lang naman kita..."
"Yeah, I know, but Subic sounds nice."
"Sus... Umamin ka na na malakas ako sa 'yo."
"Obviously," he replied. "Ang traffic-traffic pero napupuntahan kita sa QC." Ramdam ko iyong pag-iinit ng mukha ko. Hayop talaga 'to.
"Sang hotel ka? Magoovernight ka ba dito or dadaan ka lang?"
"May hotel ako. 'Di ko kayang magdrive balikan."
"Saan hotel mo?"
"Central Park Reef."
Agad akong nagsearch. "Malapit lang sa 'kin," sabi ko. "Inistalk mo ba ako?"
Tumawa siya. "Asa ka pa."
Sinamaan ko siya ng tingin. "E ano 'yon? Meant to be lang?"
He shrugged. "Parang ganon na nga."
Nag-usap kami ni Atty. Marroquin. Ayoko siyang iwanan kasi ang dami niya ginawa buong araw tapos magda-drive pa siya papunta sa Subic? Baka maka-tulog siya sa daan. Delikado.
"I'm here," sabi niya past 12MN.
"Good. Magcheck-in ka na."
"Later," he replied. "Baba ka na."
Nanlaki iyong mga mata ko. "Nandito ka sa labas ng hotel ko?"
He nodded. "Let me say hi to you in person first."
Agad akong lumabas ng hotel room. Pasado alas dose naman na. Siguro tulog na iyong mga matatandang kasama ko. Diretso ako lumabas at agad kong nakita iyong sasakyan ni Atty. Marroquin. Parang trained na iyong mga mata ko na hanapin iyon.
Pagbukas ko ng pinto ng sasakyan niya, ang naramdaman ko agad ay iyong parang 'fuck... I'm finally home.'
Agad ko siyang niyakap kahit nahihiya ako.
"Thank you," sabi ko habang naka-yakap sa kanya. Alam ko na iyong ibang tao nga ni hindi maka-kuha ng reply sa crush nila tapos ako biniro ko lang tapos pinuntahan ako sa Subic?!
Naramdaman ko iyong pagka-gulat niya kasi hindi naman talaga ako touchy sa kanya. Nahihiya kasi talaga ako. Pero gusto ko talaga siyang yakapin.
"You're always welcome," he replied as he hugged me tighter and made me feel like indeed, I am finally home.
**
This story is already at Chapter 26 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com