F1: Fresh Start
Isa-isang pumasok ang mga estudyante sa loob ng silid matapos tumunog ang bell. Lahat sila'y nakangiti at sabik sa bagong school year. Hindi nagtagal, pumasok na ang kanilang guro.
Mistisa, matangkad, seksi, at may mukha ng isang anghel—iyan ang unang impresyon kay Teacher Mary. Nakasuot siya ng puting dress na lalong nagpatingkad sa mapula niyang labi, gawa ng matingkad na lipstick.
"Good morning, class," bati niya, sabay ngiti. "Welcome to St. Dymos Academy!"
Ngunit ang tanging tugon sa kanyang pagbati ay mga malamlam na tingin mula sa mga matang tila walang buhay. May ilan pang maiinit na sulyap, para bang hindi siya welcome. Wari'y walang ni katiting na interes ang mga estudyante sa kanyang pagdating.
Umupo si Teacher Mary sa harap ng kanyang desk at sinuyod ng tingin ang mga tahimik na estudyante. Siguro dahil unang araw pa lang, aniya sa sarili. Ngunit bago pa siya makapagsimula sa unang lecture, isang mahinang katok ang umalingawngaw sa pinto.
Isang babae ang pumasok—maganda, ngunit natatabunan ng makapal at mahabang buhok ang kanyang mukha kaya't hindi agad mapansin.
Mabilis siyang nilingon ni Teacher Mary at ngumiti.
"Is this your assigned class?" tanong niya. Tumango ang dalaga, nakayuko pa rin. "Halika, pasok ka," anyaya ng guro.
Tahimik na pumasok ang estudyante at umupo sa pinakahuling row. Ito lang kasi ang tanging bakanteng upuan sa buong silid.
Nagsimulang magturo si Teacher Mary, ngunit paulit-ulit siyang napapahinto. Hindi niya maiwasang mapatingin sa estudyanteng nasa dulo—tila hindi nakikinig, parang may ibang iniintindi.
Palapit na sana siya nang biglang tumunog muli ang bell. Halos sabay-sabay nagsitayuan ang mga estudyante at lumabas ng classroom. Ngunit ang babaeng iyon—kitang-kita ng guro ang pagmamadali nitong makaalis, para bang may tinatakasan.
# # #
Pagpasok pa lang sa cafeteria ay tila may humintong sandali—napalingon halos lahat ng estudyante sa grupo ng mga babaeng papasok. Ito ay walang iba kundi ang grupo nina Venus. Sabay-sabay silang naglakad, bawat hakbang ay tiyak at elegante, tila ba sinadya ang koreograpiya. Nauuna si Venus, laging nasa unahan, laging sentro. Sa kanyang likuran ay sina AJ at Tamara—mga anino niya, pero hindi basta-basta.
Si AJ, anak ng matalik na kaibigan ng pamilya nila Venus, ay kilalang matalas ang dila at walang takot magsalita kapag may hindi siya gusto. Likas sa kanya ang pagiging prangka, at kung minsan, nakakaramdam ng tensyon si Venus sa likod ng mga ngiting pilit ni AJ. Hindi ito hayagang naghahamon, pero sa likot ng kanyang tingin at sa bigat ng kanyang katahimikan, may unti-unting pagsiklab ng distansya.
Si Tamara naman, ang matagal nang kaibigan ni Venus mula pagkabata, ay tahimik ngunit mapagobserba. Palaging nasa gilid, palaging nakikiramdam. Bagamat matagal na silang magkasama, may kung anong lamat na sa kanilang ugnayan—tila may sinusuklian si Tamara ng utang na loob na matagal nang naniningil.
Mapapansin sa kanilang mga suot ang iba't-ibang klase ng burda ng mga logo ng kilalang designer brands. Mula sapatos hanggang buhok, masasabi mo talagang hindi sila mga ordinaryong estudyante. Kulay at kagandahan, kapangyarihan at kayabangan—lahat ay sabay-sabay na dumarating kapag pumasok ang grupo nila Venus.
Ang ibang estudyante ay napapahinto sa pagkain, sa kwentuhan, o kahit sa paglakad. May mga napatitig, nagbulungan, at may ilan ding napakunot-noo. Iba't iba ang reaksyon—inggit, paghanga, takot, inis. Sa ilalim ng kanilang mga tingin, alam ng lahat: ang pagdating ng grupo ni Venus ay senyales ng dalawang bagay—simula ng palabas, o simula ng gulo.
Umupo ang grupo sa pinakadulong lamesa kung saan madali nilang makita ang lahat ng mga estudyante. Ang lamesang ito ay tila nakareserba at iniiwasan ng halos lahat ng mga estudyante dahil usap-usapan na ito ay kay Venus, at para sa kanilang grupo lamang. Ang sino mang magtangkang umupo or lumapit dito ay paniguradong makakatikim sa kanilang grupo.
"AJ, Tamara!" Pasigaw na tawag ni Venus sa kaniyang mga kasama habang nakatingin siya sa kanyang cellphone. "Make sure everyone will be there." Misteryosong bilin ng dalaga bago niya ibaling pabalik ang tingin sa kanyang mga kaibigan. Napayuko si AJ sa kanyang narinig na tila may alinlangan sa kanilang balak.
"Venus, sigurado ka ba talaga dito... kasi-" Angal ni AJ ngunit kinalabit siya agad ni Tamara kaya hindi na niya naituloy ang kanyang balak sabihin.
"Of course. It's the first party of the school year!" ani Venus, sabay ngiti—matamis sa panlabas, pero may bakas ng pagsubok sa ilalim nito. "Everyone from our class is going to be there."
Habang sinasabi niya ito, napalingon siya sa pinto ng cafeteria nang mapansin ang bagong pasok na babae—ang parehong nahuli sa klase kanina. Tahimik itong pumasok, hawak-hawak ang tray ng pagkain, at mabilis na naghanap ng bakanteng mesa sa isang sulok.
Napataas ang kilay ni Venus. Tumigil siya sa pagsasalita, saka dahan-dahang ngumisi. "Well... not everyone," ani niya, ang boses ay bahagyang mas malakas kaysa sa kailangan. Malinaw na gusto niyang marinig ng dalaga ang sinabi niya. "But hey, I'm all about fresh starts." Nilukot niya ang kanyang tissue at itinapon sa tray ng pagkain. "Let's give the poor girl a chance."
Napatawa si Tamara, sabay sulyap kay AJ, na hindi naman natawa. Bagkus, pinanood lang ni AJ si Venus, ang isang kilay ay bahagyang nakataas, tila nagtatanong kung hanggang saan pa aabot ang mga patutsada nito.
Hindi naman umiwas ng tingin ang bagong dating na dalaga. Sa halip, sandaling nagtama ang kanilang mga mata ni Venus. Walang sinabi ang babae, pero may kakaibang tibay sa kanyang mga mata—hindi ang klaseng reaksyon na inaasahan ng isang tulad ni Venus.
Nagpatuloy siya sa paglalakad, dahan-dahang naupo sa mesa sa kabilang dulo ng cafeteria, tila hindi alintana ang usap-usapan o ang panlalamig ng paligid.
Napakunot ang noo ni Venus, hindi sanay sa ganitong klaseng tugon. "Interesting," mahina niyang bulong, halos para sa sarili lang. Ngunit sa loob-loob niya, alam niyang may kakaiba sa babaeng iyon.
Patapos na sanang kumain ang grupo nina Venus nang isang tropa ng mga binata ang dumating at walang paalam na umupo sa parehong mesa. Gaya ng mga dalaga, kapansin-pansin din ang presensya ng mga lalaki—maporma pero hindi palamuti. Suot nila'y mga minimalistang damit na may simpleng disenyo, ngunit ang kalidad ng tela at tahimik na kumpiyansa sa kilos nila'y nagsisigaw ng yaman. Halatang sanay silang tinitingala.
Nakangiting umupo si TJ sa tabi ni Venus, tila ba natural na lamang na siya'y pumuwesto roon. Siya ang kinikilalang lider ng kanilang grupo—charismatic, cunning, at laging may dalang kaswal na kapilyuhan sa mga eksena. May kakaibang ningning ang kanyang mga mata, para bang laging may alam siyang hindi mo alam.
Sumunod sa kanya si Nicolo, ang tahimik pero palaban. Siya ang tipo ng lalaki na pinakamarami sigurong iniisip pero pinakamahirap basahin. Maingat siya sa kilos at pananalita, madalas may halong pag-aalinlangan—lalo na tuwing nauugnay si Venus sa kanilang mga plano.
Kill, sa kabilang banda, ay ang pinakamaboka. Laging may pasaring, laging may patawa—pero kadalasan, ang mga biro niya'y may halong pang-uuyam o paninindak. Siya ang klase ng kaibigan na sasaluhin ka sa gulo, pero baka siya rin ang dahilan kung bakit ka nandoon.
At si Alexander, ang easygoing flirt ng grupo. Madaling lapitan, madaling ngumiti, pero sa likod ng kaniyang pagiging palakaibigan ay isang lalaking bihasa sa pagtanaw ng tao bilang asset—kung paano ka pakikinabangan, kung paano ka puwedeng laruin.
Kilala ang grupo nila TJ sa social media—viral, pero hindi sa magandang dahilan. Madalas silang laman ng mga kontrobersyal na video: mga pranks na lumalampas sa linya, mga bulong-bulungan tungkol sa mga estudyanteng "napaglaruan," at mga posts na laging binubura pero naisi-share pa rin bago ito mawala.
Pag-upo ng grupo nina TJ sa mesa ng mga dalaga, tila nagbago ang simoy ng hangin. May ilang estudyanteng napatigil sa pagkain, habang ang iba nama'y kunwaring abala sa kanilang pinggan pero lihim na nakikinig. Isang halong takot, inggit, at paghanga ang bumalot sa paligid. Kapag magkasama sina Venus at TJ, para itong paparating na bagyo—hindi mo alam kung saan tatama, pero alam mong may maaapektuhan. Isa lang ang tiyak sa lahat: may bagong kaguluhang pinaplano, at siguradong pag-uusapan na naman ito sa buong St. Dymos.
"I'm excited for the party already," bulong ni TJ, sabay tawa na may halong pananabik.
Nag-smirk si Venus, sabay sabing, "Well... looks like someone will be falling into Hades' Pit this year."
Nagkamot ng ulo si Nicolo, halatang may kaba. "Hades' Pit? Ano 'yon?" Nagkatinginan ang tropa—isang mabilis ngunit makahulugang palitan ng tingin. Halatang siya lang ang wala pang alam.
Ngumiti si Venus, mata'y nakatuon sa kawalan, parang may naaalala. "Let's just say... no one leaves freshman year without playing it. Willingly or not." May kakaibang kislap sa mata ni Venus habang binabanggit ito, para bang ito ang pinakakaabang-abang niyang bahagi ng taon.
"Sounds fishy," komento ni Nicolo, naninigas ang panga. "Nope. I'm not playing your twisted game."
Biglang sumeryoso ang aura sa mesa. Hinatak ni TJ ang kwelyo ng kanyang kaibigan, malapit sa mukha, pero may pilit pa ring ngiti sa labi. "Hindi pwedeng hindi ka kasama. All of us are joining kung ayaw mo man o hindi." Mabigat ang boses ni TJ, isang pahayag na hindi pagsang-ayon sa pagtutol ng kaibigan.
Upang pagaanin ang tensyon, inakbayan ni Alexander si Nicolo at ngumiti, parang biro lang ang lahat. "Dude, just participate, okay? You don't want to be the next 'it,' do you?"
Umakbay si Kill, kasunod ang isang ngiting hindi malaman kung panunuya o paalala. "Do it for the group," aniya, tinig na tila may laman. "Walang lumiligtas sa pangalawang beses."
Sa narinig, tumahimik si Nicolo. Ang panga niya'y bahagyang nanigas, at sa loob-loob niya'y tila may umuugong na salungatan—isang sigaw ng konsensya na pilit pinatatahimik ng bigat ng tingin sa paligid. Lumingon siya sa mga mesa, sa mga matang nanonood pero kunwaring hindi. Sa katahimikang bumalot sa cafeteria, para bang sila lang ang may alam ng isang lihim na hindi dapat pag-usapan. May malamig na humaplos sa batok niya—hindi hangin, kundi pakiramdam ng pagkakulong sa kanyang pag-sang-ayon.
Hindi mawari ni Nicolo kung ano nga ba ang dapat niyang maramdaman sa sariling grupo. Ang titig ni TJ—matigas, malamig, at mabigat na tila balikat na pilit pinapasan ang isang lihim. Kay Kill naman, may tanong na hindi binibigkas: Hanggang saan ang kaya mong tiisin bago ka mabasag? Si Alexander na ngiting alam na ang sagot bago pa man ito mailabas, ngiting parang laging nauuna sa laro. Sa pagitan ng mga katahimikang iyon, pakiramdam niya'y para siyang ibon na nakakulong sa hawla. Isa lang ang malinaw: wala siyang ligtas.
Napalunok si Nicolo, sabay bitaw ng mabigat na hinga. "Fine," aniya, mahina pero malinaw. "Pero 'wag ninyo akong ipapamahak dito ha."
Tumango si TJ, ang mukha'y walang reaksiyon pero puno ng kumpiyansa na ito na rin ang simula ng gusto niyang mangyari. Si Alexander, taas-kamay, mistulang nanalo ng pustahan. Si Kill, bumuntong-hininga, parang may musika na siyang naririnig mula sa kaguluhang paparating.
Nang tumunog ang bell, naputol ang kanilang usapan sa cafeteria. Bumangon ang lahat, pero si Nicolo, sandaling nanatili sa upuan, bakas sa kanyang mukha ang pagkakabagabag sa pinaplano ng grupo. Habang papalabas sila ng cafeteria, sumabay ang ingay ng mga estudyante, ngunit para sa kanya, parang humina ang mundo—parang nasa ilalim ng tubig.
Sa hallway, napansin niya ang bagong estudyante. Hindi niya kilala ang dalaga ngunit agad niya siyang namukhaang siya and dalagang na-late kanina. Nakita niya na may nameplate na suot ang dalaga na may pangalanang Agatha. Tahimik itong naglalakad, may hawak na libro at waring walang pakialam sa paligid. Hindi tulad ng karamihan, walang bakas ng takot o paghanga sa mga lumilipas na "halimaw" sa eskwelahan.
Napatingin siya rito. Isang sulyap lang pero sapat para gumaan nang kaunti ang bigat sa dibdib niya. Sa kanyang isip: Wala siyang alam. O baka alam niya, pero hindi siya natatakot.
Isang bagay sa paraan ng lakad ni Agatha, sa paraan ng pag-iwas niya sa mga tingin at bulungan, ang parang paalala kay Nicolo—na may iba pang mundo sa labas ng larong pinasok niya.
# # #
Sa gilid ng cafeteria, tahimik pero buhay ang paligid ng school gazebo. Medyo liblib ito, pero sapat ang sikat ng araw at saktong lakas ng hangin para maging paboritong tambayan ng mga estudyanteng gustong kumawala sa gulo ng karamihan. Sa gitna ng katahimikang iyon, nakatambay ang limang estudyante. Lahat sila ay abala sa sariling mundo, pero konektado sa isa't isa.
Si Case, half-Filipino, half-American, ay nakaupo sa pinaka-loob, parang may sariling bubble. Nakasuot siya ng oversized hoodie at naka-earphones, sabay hawak ng horror manga habang patingin-tingin sa K-pop fancams sa phone niya. May kakaibang fascination si Case sa mga bagay na kakaiba, misteryoso, o borderline supernatural. Kung mapapansin minsan, parang sinasadya niyang yakapin ang takot. Ito na lang kasi ang kanyang libangan o takas kaysa harapin ang totoo niyang buhay. Siya ang tipo ng tao na madaling pakitunguhan at madaling makasundo sa kahit ano mang usapan.
Katabi niya si Trix, straight-backed at palaging formal ang damitan—gaya ng reputasyon niyang walang gusot. Half-Japanese, galing sa average na pamilya pero taas-noong scholar. She graduated valedictorian sa high school at proud dito, kahit minsan, parang defense mechanism ang pagiging competitive. May hawak siyang planner at highlighters sa halip na pagkain, nagre-review ng notes kahit break. Pero sa kabila ng strong and structured personality niya, may tago siyang kahinaan sa love stories—lalo na yung tragic endings. Kapag walang nakakakita, mahilig siyang magbasa ng romance manga at mangarap ng "accidental bump into soulmate" moments, pero laging sinasabi sa sarili na hindi siya naniniwala sa ganun dahil alam niya sa sarili niya na siya ang isang good catch.
Sa tapat nila, nagtatawanan ang kambal na sina Rian at Suzy. Magkamukha? Oo, pero tila 'yun lang ang pagkakatulad nila.
Si Rian, loud and unapologetic, ay may hawak na selfie stick at cellphone. Maya't maya ang pag-vlog ng random content—lalo na tungkol sa pagkain. Lahat ng baon ng kaklase, gusto niyang tikman at i-review. Self-proclaimed food vlogger siya na may kakaibang charm kahit minsan nakakainis. Hindi siya mabilis mapikon, pero mabilis mang-trip. Bukod sa pagkain, mahilig din siyang i-showcase ang kanyang kapatid na si Suzy. Palibhasa, mas marami ang nakukuha niyang engagements tuwing masusulyapan ang kanyang kapatid ng kanyang kamera.
Si Suzy, ang mas tahimik sa dalawa, ay nakababad sa sketchpad habang may clip-on earphones sa ilalim ng wig na suot niya. Suot niya ngayon ang wig ng paborito niyang character mula sa isang obscure anime—isa sa maraming costumes niya bilang cosplayer tuwing weekend. Kung si Rian ay expressive sa harap ng camera, si Suzy ay expressive sa likod ng pintura. Siya ang tipo ng artist na hindi nagtatanong kung naiintindihan ba ng iba ang gawa niya. Ang importante, nailalabas niya ang kanyang saloobin gamit ang mga kulay ng pintura at napapasaya siya nito. Sa paningin ng marami, mahiyain siya. Pero sa totoo lang, hindi lang niya gustong makisabay—mas gusto niyang obserbahan ang mundong gumagalaw.
At si Iven, ang tila pinaka-neutral sa grupo. Gamer siya. Sa isip niya, kamukha niya ang paborito niyang esports player—cool, composed, clutch. Pero sa totoo lang, wala doon. Mayabang sa loob, pero hindi paladaldal. Tahimik ang yabang niya, tipong hindi mo mapapansin agad pero mararamdaman mo kapag mag-isa na lang kayo. May kumpiyansang hindi laging justified, pero sapat para hindi siya mawalan ng porma kahit na hindi siya laging tama.
Habang patuloy silang abala sa kanya-kanyang mundo, isang maikling hangin ang dumaan. Walang malakas na tunog, pero may isa sa kanila ang napalingon, para bang may narinig. Isang mahina, pamilyar na ding-dong—tila kampanang lumang-luma.
Walang nagsalita.
Pero lahat sila, kahit saglit lang, natigilan.
Kasabay nito ay ang isang group message na may nickname na V.
# # #
the bell will call.
when it does, follow.
to delay is to deny the pact.
to refuse... is to be chosen.
all freshmen are summoned.
no souls exempt.
the demons are watching.
— V
# # #
"Mukhang tuloy na tuloy na." Wikna ni Case, pero bakas ang pag-aalala sa tinig.
"Magsisimula na ba?" tanong ni Trix. Tumango lang si Case.
Sa kabila ng mesa, napalingon si Riss. Tahimik kanina, pero ngayon ay nakikinig na.
"Paano kung ayaw kong sumali?" malamig niyang tanong. May diin, may lalim.
"May magagawa ba kayo? May magagawa ba sila?"
Nagkatinginan ang lima. Walang gustong sumagot.
"Ayon sa mga narinig ko..." sagot ni Iven, biglang sumingit, "... anyone who refuses gets punished."
"By whom?" tanong ni Suzy, napatigil sa kanyang mag-drawing.
"Just do what you're told." Straight na sagot ni Trix.
BRRRRRRRIIIIIIIIING.
Naputol ang kanilang pag-uusap nang marinig ang malakas na tunog ng bell. Walang nagsalita; sabay-sabay silang lima'y bumalik sa kanilang classroom.
Maingay. Magulo. Parang walang guro, walang patakaran. Tulad ng isang lugar na basta na lang iniwan—walang gabay, walang direksyon. Ganito ang eksenang bumungad sa kanila.
Hanggang sa may kumalabog na tunog ng pinto.
Tumigil ang lahat. Huminto ang mga tawa, ang kaluskos, ang sigawan. Para bang may malamig na hangin na pumasok kasabay ng pagbukas ng pinto.
Si Agatha.
Kilala na siya ng lahat, bago pa man magsimula ang pasukan. Siya ang itinuturing na anino sa listahan ng mga pangalan.
Anak si Agatha ng lalaking sinangkot sa isang kasong pagpatay—isang krimeng ni minsan ay hindi napatunayan, pero sapat ang mga tsismis at headline para mabaon ang buong pamilya sa hiya. Ayon sa mga balita, nabaliw ang kanyang ama sa loob ng kulungan. Paulit-ulit nitong sinisigaw ang pangalang ng kanilang anak na si "Agatha". Makalipas ang ilang linggo, natagpuan siyang patay sa kanyang selda. Sabi ng mga awtoridad, nagpakamatay. Pero may ilan sa baryo ang naniniwalang hindi iyon basta-basta. May gumuhit daw na anino sa pader. May mga salitang nakasulat sa dugo ngunit hindi maintindihan.
Pagkalipas lamang ng dalawang buwan, sumunod ang kanyang ina. Kapareha nang araw ng pagkamatay ng kanyang asawa. Natagpuan ang katawan nito sa ilog, malamig, may mga sugat sa pulso ngunit wala nang mga mata. May mga nagsabing hindi na raw ito nakayanan ang bigat ng kasalanan ng kanyang asawa kaya nabaliw na rin.
Sa kasalukuyan, si Agatha na lamang ang naiwan sa kanilang lumang bahay na amoy amag. Kasama niya rito ay ang kanyang matandang lola na halos bulag na at patuloy na nagrorosaryo mula umaga hanggang gabi. Hindi raw dahil sa pananampalataya, kundi bilang proteksyon. Proteksyon sa kanila, aniya. Hindi masabi ni Agatha kung sino ang "kanila", pero nagsimula ito nang mamatay ang kanyang ina.
Sa baryo, ang apelyido nila ay isang babala—iniiwasan, hindi binabanggit. Kapag may batang naliligaw sa gabi, ang sasabihin lang ng matatanda:
"Umuwi ka na, baka madala ka ng pamilya ng mga anino."
Mula noon, sanay na si Agatha sa mga mata ng pagdududa at pag-iwas. Kaya't pagdating niya sa bagong eskuwela, ang tanging bitbit niya ay ang pag-asang baka rito, hindi siya kilala ng mga tao. Baka rito, wala nang susulyap sa kanya na parang siya ang malas.
Napansin ni Agatha na tahimik ang buong klase. Ramdam niya ang bigat ng bawat tingin, ang hiwa ng bawat ngiti. Alam niyang may ibang nakakakilala sa kanilang pamilya ngunit pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na ito ang kanyang panibagong simula.
Naglakad siya papunta sa gitna ng silid. Mabilis ang tibok ng kanyang dibdib, pero pinilit niyang lakasan ang loob upang magpakilala.
"Hi... I'm Agatha."
Wala ni isang pumalakpak. Wala ni isang ngumiti.
May sumipol sa gilid. May munting halakhak na sinadyang iparinig. Sa likod, isang estudyante ang tahimik na nagvideo gamit ang kanyang phone. Sa unahan, kunwari'y may nagbabasa ng libro, pero ang bibig ay bahagyang nakakurba sa mapanuksong ngiti.
"Boo!" walang alinlangang sigaw ni Kill, na tila may masamang balak. Wala siyang pakialam sa kahit sino mapagtripan niya, lalo na sa mga tulad ni Agatha. Kinuyom niya ang papel mula sa notebook at ibinato ito. Tumama ito sa balikat ni Agatha. Mabilis, wala pang nakakahinga, sinundan siya ng ibang lalaki sa kanilang grupo maliban kay Nicolo. Makikitang sunod-sunod na bumalibag ng bolang papel kay Agatha na tila laro lang.
"Uy, target practice!" sigaw ng isa.
"Ayan na si psycho girl," bulong ng isa pa, pero siniguradong maririnig.
Nanginginig si Agatha. Pilit niyang itinaas ang kanyang bag, parang kalasag ng isang sundalong nasa giyera—mahigpit ang kapit, pero halatang nanginginig ang mga kamay. Isa, dalawa, tatlong bola ng papel ang sunod-sunod na tumama—isa sa pisngi, isa sa tagiliran, isa halos tumama sa mata. Pak! Thud! Snap! Parang sunod-sunod na putok ng baril ang tunog sa pandinig niya.
Ang classroom ay nagbago ng anyo—hindi na ito isang silid-aralan, kundi isang coliseum. At siya, ang hayop na inihain para pagsayaang saktan.
Tumingin siya sa paligid—umaasang may haharang, may hihinto, may magtatanggol.
Wala.
Walang sumita. Walang sumigaw ng "tama na." Ang iba'y nakangising parang aliw na aliw. Ang iba nama'y nakatitig lang, tahimik na tagasaksi na mas pinili ang katahimikan kaysa pakialam. Masakit ang katahimikan kaysa sa mga bolang papel. Mas nakakabingi ang hindi pag-akto kaysa sa sigawan at hiyawan.
Nasa likod ng klase, nakaupo si Venus. Tahimik. Walang ginagawa. Pero ang mga mata niya ay nakatuon kay Agatha. Parang sinusukat siya, sinusuri kung hanggang saan ang kayang tiisin. Hindi siya sumali sa pananakit pero ang titig niya'y tila mas mabigat kaysa alinmang bagay na binato.
At nang hindi pa rin sila makuntento, sinimulan na ng ilan ang paghagis ng mas mabibigat na gamit—tumbler, eraser, buong pencil case, kahit anong abot ng kamay.
Isang tumbler ang tumama sa ulo ni Agatha. Pak! Parang pumutok ang isang lobo sa loob ng kanyang ulo. Nawalan siya ng balanse, at dahan-dahang naupo sa sahig. Bumitiw ang kanyang bag mula sa pagkakayakap niya rito. Parang binura ang hangin sa silid.
Tumigil ang lahat.
Hindi ito dahil sa awa—kundi dahil sa biglaang katahimikang bumalot, na tila may tahimik na nakikinig sa paligid. Isang malabnaw, malamig na enerhiya ang dumaloy sa hangin, para bang may di-nakikitang presensyang dumaan at nagbantay sa kanila. Pilit tinakpan ni Agatha ang kanyang mukha, pinipigil ang mga luha, ayaw niyang mas lalo pang lumaki ang kahihiyan na nagpapabigat sa kanyang dibdib.
Tumayo si Venus, dahan-dahan, na para bang hinihiwa ng bawat hakbang ang katahimikan. Naglakad siya papunta sa direksyon ni Agatha—at kasabay nito, muling nalugmok ang buong silid sa nakabibinging katahimikan. Walang kumibo. Hindi dahil wala silang gustong sabihin, kundi dahil lahat ay takot.
Pagdating niya kay Agatha, dahan-dahan niyang iniabot ang kamay. Maamo ang mukha niya. Tahimik ang ngiti. Hindi malambing, pero mahirap tanggihan. Nakita ito ni Agatha sa gitna ng kanyang kahihiyan, at kahit nanginginig pa rin ang katawan, tinanggap niya ang alok.
Hinawakan niya ang kamay ni Venus.
At saka siya hinila.
Hindi marahas. Hindi rin banayad. Sa paglapit ng katawan nila, narinig ni Agatha ang bulong ni Venus. Mabagal, malamig, at para bang isang papaparating na babala.
"Don't be scared, Agatha," ani Venus. "We're all friends here."
Pero may kulang. Parang may hindi sinabi. Parang ang ngiti niya ay may laman, at ang tono ay isang paalala. Pagkatapos ng ilang segundo, tumalikod si Venus at hinarap ang klase. Isang tipid na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. Walang saya, walang galak. Isang senyas. Isang hudyat.
Sa likuran, may mechanical na kaluskos ang narinig ng buong klase.
Click.
Sa sulok ng silid, bumukas ang isang projector. Kumurap-kurap ang ilaw nito na parang pumipintig. Napatingin ang lahat sa pader kung saan lumitaw ang isang imahe: itim na background, pulang teksto, typewriter font na tila dumadagundong kahit walang tunog.
WELCOME TO HADES' PIT
Kasunod nito, isang countdown timer ang lumitaw. Pitong araw bago ang kanilang freshmen party, bumibilang paatras. Mabilis. Matinis ang tik-tak ng bawat segundo, kahit wala namang tunog na naririnig.
Simula na ang laro, simula na ang pagdurusa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com