46th Shade
Judith.
This is not an ordinary day.
"Go on besh! Kaya mo 'yan! Arghhhh! Kinikilig ako!" Napakunot ako ng noo sa pinagsasabi ni Veron. Naputol ang pag-iisip ko dahil sa reaksyon niya. Bakit naman siya kinikilig? Eh, papasok lang naman ako sa unang araw ko sa trabaho.
Again, this is not an ordinary dayㅡkasi papasok na talaga ako sa trabaho ko! At itong si Warner at Veron ay talagang nagpresentang ihatid ako sa Glady's. Naging third wheel pa ako ngayon, hmmp. Pero ayos lang dahil nakalibre pa ako ng pamasahe.
"Remember besh, smile lang ha? Huwag na maghanap ng gwapo na costumer. Pay attention sa mga gawain para madagdagan ang salary! Mwahaha! At sa unang sweldo, libre mo kami mami!" Kailan ba naging megaphone ang bestfriend ko? Nakapagtataka lang na hindi pa nabibingi si Warner.
Mabuti na lang nakarating na kami agad sa Resto kaya kaba-kaba pa akong pumasok doon. Sinalubong agad ako ni Ate Yane na nakilala ko noong iniinterview ako ng manager dito. Galing pa siyang West at dito naassign.
"Yes! Good morning, Judith!" bati niya sa akin.
"Good morning, Ate Yane!" bati ko pabalik at tinuro niya sa akin ang locker ko. Sinamahan niya akong ilagay ang mga gamit ko roon habang hawak-hawak pa niya ang uniform ko.
"By the way, papunta ang anak ng may-ari ngayon." Napatango ako sa sinabi niya. Pagkasara ko ng pintuan ay humarap na ako sa kanya. Saktong may dinagdag siya, "Dito rin ata siya lilipat. Bumalik si Ma'am Baby sa West."
"Lalaki or babae po?" tanong ko at nagpalit na ng damit sa cubicle.
"Ano ba! Huwag ka na nga mag-po! Isang taon lang naman ang pagitan natin!" sigaw niya mula sa labas kaya tumawa ako. Lumabas na ako habang inaayos ang polo ko. "Lalaki siya, magaling magluto at..." Hinila niya ako palapit sa kanya at bumulong, "...sobrang gwapo. Kung hindi naman 'yun snub, crush ko 'yun."
"Ay snub?" dismaya kong tanong. Pero may halo rin namang biro ang boses ko. Ayaw ko lang magkacrush sa boss kasi napakaweird kaya nun! Kahit 'yun napapanood ko sa mga pelikula, hindi ko maimagine ang sarili ko na magkakagusto pa. Lalo na't sa boss! My gosh lang talaga.
Nagsimula na ako sa trabaho ko. Inutusan akong punasan ang mga plato at kubyertos bago ilagay sa counter. Ang Glady's kasi ay isang fastfood dati pero nadagdagan ng lutong bahay. Sa interior design, homey at napakacomfortable ng ambiance. Mabuti na lang din, dito ko napiling magtrabaho dahil parang nasa bahay lang din ako. Naghuhugas, nagseserve, naglilinis at para mas mabilis ang usad ng counter, tinatanong ko na ang mga order ng customers.
Nakakadagdag din ng gaan sa loob ang mga pinapatugtog na kanta. Pati rin tuloy kaming mga crew ay hindi naiistress sa mga sunod-sunod naming trabaho. Naiimagine ko naman ang sarili ko na kung magtatrabaho na ako ay mapapagod lang ako ng sobra pero sa itsura ng loob ng resto, sa mga tugtog na pinapatugtog pati na rin ang amoy sa loob ay parang nasa bahay lang. Hindi na rin ako magtataka na marami talagang kumakain dito.
"Judith, andito na siya," bulong ni Ate Yane at siya na mismo ang naglagay ng dala kong pinagkainan sa lababo.
"Ang ganda ng mga tugtog, Ate," sabi ko habang hinihila ako papunta sa harap ng counter. Kaunti na lang din ang tao dahil past 3 na. Tapos na ang lunch kaya bilang lang ang mga taong kumakain.
"'Yan ang mga taste ni Sir. Gumawa pa nga siya playlist para 'yun lang ang ipatugtog. Ang gaganda nga ng mga taste ni Sir. Parang makikilala mo siya sa mga pinapakinggan niya." Umayos na siya ng tayo habang may hinihintay na pumasok sa entrance. Lumapit na rin sa amin ang ibang crew para hintayin ang bagong manager namin.
Ang weird lang sa pakiramdam na unang araw ko pa lang, nag-iba na ang manager. Anak pa ng may-ari nito! Mabait naman si Ma'am Baby noong siya ang nag-interview sa akin. Kinabahan lang tuloy ako lalo na't may nakita akong lalaking bumababa sa motor niyang dala.
Saktong lumipat ang tugtog na pinapakinggan namin ngayon. Palihim tuloy akong napalundag sa kinatatayuan ko nang marinig ang Iris ng Goo Goo Dolls. Sumasabay na ako sa bawat linya ng kanta sa utak ko pero agad ring napatigil dahil naalala ko kung kanino ko napakinggan ang kantang ito.
Sa kanya.
Napailing ako. Napayuko rin ako. Hindi ko rin naman ipagkakaila na may masakit pa tuwing naalaala ko siya. Pero napailing muli ako. Masyado kong binubuhos ang pagiging positibo ko araw-araw at malaki ang pag-asa ko na magiging buo na ako balang araw.
Tumunog bigla ang bell ng entrance kaya napatingin ako roon. Naririnig ko na ang pinalipit na tili ng mga katabi ko pero wala akong mabigyan na klarong reaksyon. Para akong namanhid at nanlamig nang makita kung sino ang may-ari ng pinagtatrabuhan ko. Alam kong napakaimposible pero gulat na gulat ako. Hindi ko na nga mailabas ang naipon kong hininga. Hindi talaga ako makapaniwala!
"And I don't want the world to see me. 'Cause I don't think that they'd understand."
Literal na napaawang ang mga labi ko nang makita ko si Brion sa mismong harapan ko.
"When everything's made to be broken. I just want you to know who I am."
Para na rin akong tinakasan ng kaluluwa nang nagtama bigla ang paningin namin. Hindi ko alam kung ano dapat ag gagawin ko dahil hindi ako nagkakamaling si Brion Rodriguez ang nakikita ko ngayon! Nakapagtataka lang na wala akong maramdamang galit o kung ano pa dahil nawala lang bigla noong huli naming pag-uusap. Ilang buwan na pala! Nahiya tuloy ako! Alam ko naman na nakikilala niya ako. At alam niyang makikilala ko siya. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.
Mas lalo siyang lumapit sa amin kaya nataranta ako. Babati ba ako? Naalala ko kasi 'yung pag-uusap namin pero bakit napakauncomfortable bigla ng pwesto ko? Ngayon ko lang talaga siya nakita nang personal!
"Good afternoon, sir!"
Medyo mahaba na ang buhok niya. Nakatali rin ito kaya kitang-kita ang mga bilog niyang nakatingin sa akin. May katangkaran din siya kaya umangat ang mga paningin ko. Never akong nabighani nang ganito pero ang laki-laki ng pinagbago niya. Mas lalong nagpalakas sa kanya ang pagkamoreno niya.
Nagtataka na rin ang mga crew kung bakit nakatitig lang sa akin si Brion kaya napaiwas na ako ng tingin. Nakahinga na rin ako sa wakas at sinubukan siyang batiin, "Good afternoon po."
Napaawang ang mga labi niya. Akala ko babatiin niya kami pabalik pero nakawala siya ng isang maikling buntong-hininga. Nagulat nga ako sa reaksyon niya. Parang ang layo naman niya sa nakausap ko dati!
Nilagpasan niya lang kami kaya roon na nagtaka kaming lahat. Nagtataka sila kung bakit ganun ang boss nila samantala ako, nagtataka kung bakit ganun siya sa akin. Grabe makatingin! Akala ko nga aasarin niya ako! Isa pa, hindi na nakawala sa ilong ko ang amoy niya. Na parang katatapos pa lang niya magyosi.
"Bad trip ata si Sir," rinig kong bulong ng lalaking cook.
"Bihira lang din naman bumati pabalik si Sir eh."
"Judith, umamin ka nga." Napalingon agad ako kay Ate Yane. Ramdam ko ang pagkabuo ng mga pawis ko kaya nahalata niya iyon. "Hindi ka man lang kinilig na tinitigan ka ni Sir?" bulong niya. Mas lalo tuloy lumapit sa akin ang iba para marinig ang sagot ko.
"Ba't naman ako kikiligin?" pabulong kong sabi na sinubukan ko pang umaktong nandidiri.
"Grabe makatingin sa'yo si Ser eh. 'Yung tingin niya 'yung parang sinaktan mo siya dati tapos nagkita ulit kayo ngayon. Amazing mehn," singit ng isa kaya nanlaki ang mga mata ko.
Ako? Sinaktan siya? Jusko! Siya nga itong inaasar ako noong elementary! Paano ko siya sasaktan na ngayon ko lang ulit siya nakita?! "Oh, kalma lang, Judith! Hahahaha! 'Yung salamin mo, kumukunot na kasama ng noo mo!" Tinawanan nila ako kaya napailing ako. Nagpaalam na ako na pupunta ako ng rest room pero pagkarating ko roon ay napatitig lang ako sa sarili ko sa salamin. Maayos naman ang mukha at damit ko. Bakit ba masyado akong nacoconscious?
Napasandal ako sa sink at napaekis ng bisig.
Halo-halo na ang nararamdaman ko at nakapagtataka lang kung bakit may dismayang lumilitaw sa loob ko? Inaamin ko naman na gumwapo siya pero bakit? Bakit may nararamdaman pa akong iba?
Bakit umaakto siyang hindi ako kilala? Na para bang hindi kami nag-usap dati.
Napakagat ako ng hinlalaki ko. Bakit ko naman 'to ginagawang big deal? Nakapagmove-on naman ako dati sa mga nangyari noong elementary at naging masaya naman ako noong nakausap ko siya. Nagkasundo pa nga nang slight.
Winakli ko ang mga kamay ko. Inaalis ko ang lahat ng bumabagabag sa akin. Bahala na! Kunwari, hindi ko na rin siya kilala! Boss ko pa naman siya! Atsaka unang araw ko pa lang dito! Dapat walang issue.
Nagmadali akong lumabas ng restroom kaso pagliko ko papunta sa labas, may nakabangga akong gumagamit ng cellphone. Agad ko ring nasalo ang phone na nabitawan niya. Para bang nabunutan ako ng kawayan sa dibdib nang masalo ko ang phone niya kaya naramdaman ko ring nakahinga siya nang maluwag.
Napakunot ako ng noo kung gaano kapamilyar ang phone na hawak ko. Hindi lang phone kung hindi, Iphone besh!
"Sorry poㅡ"
Umurong ang dila ko nang makita si Brion sa harapan ko na naman. Nakasuot siya ng itim na buttoned polo at black jeans. Ang angas lang kasi! Parang costumer lang siya!
Gulat siyang tiningnan ako dahil malapit kami sa isa't-isa. Inabot ko agad ang phone niya kaya agad niyang pinasok iyon sa bulsa niya. Titig na titig ako roon dahil napakapamilyar naman. May case nga lang siya pero baka naman parehas lang sila ng phoneㅡay ewan. Ayaw ko na isipin! Sakit sa ulo!
"Sorry po, Sir." Nagmukha akong ewan! Parang hindi bagay!
Yumuko ako at balak maglakad palayo pero sa pangalawang hakbang ko, narinig ko siya.
"Jude..."
Parang dumikit ang mga paa ko sa tiles nang marinig ang boses niya. Hindi rin ako makakurap.
Ang lalim.
Ang lamig.
Parang... narinig ko na noon?
"...dith. Judith," pag-kaklaro niya kaya unti-unti akong lumingon. Muling nagtama ang paningin namin kasabay ang pagkawala ng mga paruparo sa sikmura ko.
"Sir," pagbabanggit ko.
Palihim siyang napakagat ng ilalim ng labi niya at napansin ko iyon. Hindi ako sigurado pero parang ayaw niya ng ganun. Napaayos na lang siya ng tayo at nawala ang kaninang nakapahid sa mga mata niya.
"How's your first day?" he sounded like someone I didn't know! Para talagang boss niya sa tingin at tindig niya kaya may naramdaman akong pagsisisi sa loob ko. Paano kung tawagin ko siya sa pangalan niya? Magbibiruan ba kami tulad ng inaasahan ko?
"Okay lang po." Hindi rin ako satisfied sa sagot ko. Napatango lang siya bago tumalikod at naglakad papunta sa office niya.
Bago ako makaalis sa pwesto ko, napakibit na lang ako ng balikat. Mas mabuting magtatrabaho na lang ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com