Chapter 26
Chapter 26
Tahimik lang si Papa sa sasakyan hanggang sa maka-uwi kami. Mas lalo akong kinabahan kasi hindi ko alam kung ano iyong tumatakbo sa isip niya.
Pero sigurado na ako na alam niya.
Kasi hindi naman ganon si Papa.
Siya mismo iyong nagsasabi sa amin na 'wag kaming mangolekta ng kaaway. Na hindi namin alam na baka isang araw, kailanganin namin ng tulong nila. Kaya nga nasasabihan siya ni Mauve na plastic daw. Kaya nga nagulat ako nung sabi ni Mama na nung kabataan ni Papa ay sumasali siya sa rally. Kasi ngayon, walang kala-kalaban sa kanya. Basta trabaho lang. Kapag wala siya sa trabaho, wala siyang problema sa kahit sino.
Tapos biglang ganon.
Fuck.
Pagdating na pagdating ko sa kwarto ay agad kong nilabas sa bulsa ko iyong cellphone ko. Hindi ko kasi matignan iyon kanina. Ewan ko. Para lang akong estatwang naka-upo sa sasakyan na natatakot na gumalaw.
Wala akong nakitang text mula kay Achilles.
Galit ba siya sa 'kin?
Ano'ng gagawin ko?
Ang dami kong kailangang gawin dahil balik trabaho at aral na ako bukas, pero alam ko rin sa sarili ko na hindi ako makakapagconcentrate sa kahit ano hanggang wala akong naririnig mula kay Achilles.
Naka-tingin lang ako sa phone ko.
Magtetext ba ako sa kanya?
Tatawag?
Sasagot ba siya?
Sumasakit iyong ulo ko kaka-isip kung ano ang susunod kong gagawin. Huminga ako nang malalim. Sinabi ni Achilles sa akin noon na hanggang hindi ako nagsasabi sa kanya na may problema ako, i-aassume niya na ayos lang kami. Baka ganon lang iyon. Nag-ooverthink lang ako kasi guilty ako.
Bahala na nga.
Tinawagan ko iyong number niya. Gusto ko sanang i-loudspeaker iyon dahil magbibihis muna ako kaya lang ay para akong paranoid na baka nakikinig si Papa sa labas ng pinto ko. Ano ba 'yan. Ayoko namang mabuhay nang ganito na bawat galaw ko e inooverthink ko.
"Naka-uwi ka na?"
Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ko iyong boses niya.
Okay.
Sinagot niya iyong tawag ko—good sign 'yon.
"Kakadating ko lang," sabi ko sa kanya. "Nasa daan ka pa?"
"Yes. Traffic."
Naghintay ako ng susunod na sasabihin niya pero parang iyon na ata iyong sagot niya. Huminga ako nang malalim.
"Sorry kay Papa kanina," sabi ko kasi totoo naman na ang bastos niya kay Achilles e nagpapakilala lang naman iyong tao. Kung nagagawa nga niyang maging civil sa iba na literal na mga kurakot ng gobyerno at mga drug lord, pero dito kay Achilles, hindi niya magawa?
"It's fine," sabi niya.
"Hindi kaya. Ang bastos."
"I mean... a bit. Pero ayos lang. 'Wag mong masyadong isipin."
Nagrequest ako ng FaceTime sa kanya dahil gusto kong makita iyong itsura niya. Ngayon, gets ko na kapag ginagawa niya iyon. Siguro dati nag-ooverthink din siya sa mga sinasabi ko kaya gusto niyang makita iyong mukha ko para magkaroon siya ng clue sa iniisip ko.
Kasi iniisip ko talaga na galit siya sa akin—o kung hindi man galit, nagtatampo kahit kaunti.
"Mamaya na. Nagda-drive ako," sabi niya sa akin.
Ewan ko kung maarte lang ba ako o sensitive na ako dahil sa dami ng nangyari ngayong weekend pero nasaktan talaga ako nung tumanggi siya magFaceTime kami. Kasi hindi naman problema dati kahit nagda-drive siya. Basta naka-on lang iyong camera kahit hindi naman siya naka-tingin lagi doon kasi nagda-drive siya.
"Galit ka nga," sabi ko.
"Hindi nga."
"E bakit ayaw mo magFaceTime?"
"Driving."
"Dati naman okay lang kahit nagda-drive ka."
Hindi ko alam kung parang bata ba iyong dating ko na hindi maka-intindi na wala ngang FaceTime muna ngayon... kaso ayoko nung pakiramdam na galit siya sa akin. Kasi kung galit siya o kung anuman, mas okay na sabihin niya na ngayon para maayos agad.
Hindi pala cute iyong mga nagtatampo tapos ayaw sabihin kung bakit.
Imbes na sumagot siya ay nakita ko agad na tumatawag siya sa FaceTime. Huminga muna ako nang malalim bago ko sinagot iyon. Agad na nakita ko na nasa daan pa nga siya. Traffic na nga kasi talaga ngayon.
"Hindi ako galit," bungad niya nang sagutin ko iyong tawag.
"Okay."
"I understand."
"Alin?"
"Na hindi mo pa nasasabi sa pamilya mo."
Bahagyang napaawang iyong labi ko. Alam ko na dadating din sa punto na pag-uusapan namin 'to, pero mas maganda sana kung sa personal... pero nandito na, e. Hindi pala talaga pwedeng kontrolin lahat ng nangyayari sa buhay ko. May mga bagay na bigla na lang nangyayari.
"It's fine. I completely understand. Just take however much time you need."
Naka-titig lang ako sa mukha niya habang sinasabi niya 'yon. Ganito ba talaga kapag guilty? Kahit simple saka straight-forward lang naman iyong sinasabi sa 'yo ng kausap mo, sinusubukan mong bigyan ng ibang kahulugan.
"What?" sabi niya nang mapa-tingin siya sa cellphone niya. Ilang segundo na rin kasi iyong lumipas at wala siyang narinig na kung anuman mula sa akin.
"Okay."
Iyon na lang nasabi ko.
Wala akong ibang masabi.
"Take your time."
"Kakausapin ko na si Papa. Basta ngayong week."
"If that's what you want, sure. Pero kung dahil sa akin, 'wag kang magmadali."
Hindi na naman ako nakapagsalita.
"I already told you, I'm not going anywhere."
Hindi ko alam kung bakit imbes na gumaan iyong pakiramdam ko ay mas kinabahan lang ako. Kasi nabanggit na naman niya 'yang going anywhere. Paano kung umalis nga siya? Kasi hindi naman lahat ng pangako natutupad. Alam ko naman 'yon. Saka alam ko rin na hindi porke sinabi niya na gusto niya ako ngayon e gusto niya pa rin ako kinabukasan.
I guess... I just didn't want to give him reasons to leave.
"Basta, kakausapin ko si Papa."
"Okay," sagot niya.
"Malapit ka na ba?"
Tumango siya. "Pero traffic."
Tumango rin ako. "Ibababa ko na ba 'yung tawag o hintayin kong maka-uwi ka?"
Nakita ko na tumingin siya sa screen. "You look tired. Get some rest. I'll text you kapag naka-uwi na ako."
Tumango na lang ako kahit sobrang uneasy ko sa kung paano niya ako kausapin. Gusto ko pa sanang tanungin ulit sa kanya kung hindi ba talaga siya galit sa akin kaya lang ay baka makulitan na siya.
Sinabi niya naman na okay kami—kailangan ko lang idikdik sa sarili ko na okay talaga kami. Siya rin naman ang nagsabi sa akin na nagkakaroon lang ng overthinking kapag may doubt. Wala naman akong doubt sa aming dalawa. Kailangan ko lang talagang ayusin iyong sa mga magulang ko.
* * *
Gusto ko na agad kausapin si Papa nung gabing 'yon kaso sabi ni Mama ay tulog na raw siya. Alam ko naman na maaga siyang natutulog pero parang ang aga ng 7PM. Nag-aral na lang ako. Ang pinaka-huli kong gustong mangyari ay sabihin ni Papa na nagpabaya ako sa pag-aaral dahil kay Achilles. 'Di niya ba alam mas naging conscious ako sa pag-aaral dahil sa taong 'yon? Dati naman e okay na ako sa yolo pero ngayon e kahit papaano, nagta-try na akong magmemorize ng provisions.
Buong gabi lang ako nag-aral hanggang sa maramdaman ko na sumusuko na iyong mga mata ko. Kinabukasan, naabutan ko si Papa sa dining area.
"Mauro," biglang pagtawag sa akin ni Mama. Agad akong natigilan. Humarap ako sa kanila tapos ay sinenyasan ako ni Mama na lumapit sa kanila.
Naglakad ako palapit sa kanila. Hawak-hawak ko iyong strap nung backpack ko habang hinihintay sila na magsalita.
"Nag-usap kami ng Papa mo," sabi ni Mama na biglang siya na ang speaker sa kanilang dalawa. Usually ay si Papa ang nagsasalita kasi siya naman talaga ang nasusunod.
Tumingin lang ako sa kanila at bahagyang naka-kunot ang noo. Bakit kasi wala si Mauve ngayon? Naka-duty siya palagi. Ewan ko ba kung ano ginagawa nun sa ospital.
"Next year daw ay marami ka ng subjects. Magresign ka na sa trabaho mo. Kami na lang ang magbabayad ng tuition mo."
Lumalim iyong kunot ng noo ko.
"Para makapagfocus ka sa pag-aaral."
"Okay lang naman akong magbayad ng tuition," sabi ko sa kanila.
"Kami na ang magbabayad. Parang kay Mauve."
Parang kay Mauve? Si Mauve na hindi makapalag sa kanila kasi at the end of the day, alam ni Mauve na hindi niya kayang bayaran iyong tuition niya at kailangan pa rin niya ng tulong nila Mama?
Ayoko ng ganon.
"Mas relaxed kapag dito ka na lang sa bahay magrereview. Makakapagfocus ka sa pag-aaral. Magsabi ka na agad doon sa trabaho mo para maka-hanap na sila ng kapalit."
Napaawang iyong labi ko sa gulat at inis dahil para bang wala akong choice at sinasabi na nila kung ano iyong dapat kong gawin.
Tumingin ako kay Papa. Ni hindi siya maka-tingin sa akin at nagbabasa lang siya ng dyaryo. Pilit akong huminga nang malalim at saka humigpit iyong pagkaka-hawak sa strap ng bag ko.
"Pag-iisipan ko po," sabi ko na lang sa kanila bago mabilis na tumalikod at naglakad paalis sa bahay namin bago pa kung ano ang mangyari.
Dire-diretso akong naglakad hanggang sa maka-labas ako ng subdivision namin. Muntik na akong madanggil ng motor dahil 'di ako naka-tingin sa dinadaanan ko. Huminto muna ako saglit tapos ay huminga nang malalim. Gusto kong tawagan si Mauve kaya lang ay hindi ako pwedeng ma-late. Pinagbigyan na nga nila ako sa study leave ko tapos male-late pa ako ngayon? May hiya naman ako kahit papaano.
Pagdating ko sa office ay naka-bungad agad sa akin si Tin. Binigyan niya ako ng cupcake pa-welcome back daw. Nagpasalamat ako. Naramdaman niya ata na wala ako sa mood kaya hindi niya na ako ginulo pa.
Dahil medyo matagal din akong nawala ay marami akong naiwan na trabaho. Pasalamat na rin ako dahil naging busy ako. Ayoko na kasi isipin iyong nangyari sa bahay tapos iyong kay Achilles pa. Nagtext naman siya talaga kagabi na naka-uwi na siya tapos... ayon na. Hindi siya nagtext kaninang umaga.
Nakaka-baliw naman 'to.
Bakit ba kasi nauso pa 'yang overthinking? 'Di ba talaga pwede na kung ano iyong sinabi, iyon na lang paniwalaan?
Nang matapos ako sa trabaho ay dumiretso na lang ako sa school. Pasalamat ako at late ata iyong prof namin kaya nagkaroon ako ng time para magbasa pa. Ang dami ko kasi talaga ginawa sa trabaho na 'di ako naka-singit ng review kanina. Nakapagbasa naman na ako kagabi... kaso alam mo 'yon? Parang doble iyong bigat ngayon. Kasi parang magkaroon lang ako ng isang mababang grade, bibigyan ko na agad si Papa ng dahilan para isisi kay Achilles lahat ng mali sa buhay ko.
Kahit siguro isang recit lang ay masusuka ako kapag hindi ako naka-sagot nang maayos.
"Hey!" sabi ni Niko nang maupo siya sa tabi ko.
"Wala akong reviewer," agad na sabi ko sa kanya kasi nilalapitan lang naman talaga ako nito para doon. Gets ko naman na hindi talaga kami friends. Sa kanilang group, si Assia lang iyong masasabi ko na kahit papaano e kaibigan ko rin talaga.
Natawa siya. "Okay... good to know," sabi niya sa akin.
Napa-buntung-hininga ako. Na-guilty tuloy ako. Mabait naman iyong tao sa akin. Ang dami ko lang talaga kasing iniisip.
"Sorry," sabi ko. "Masakit lang ulo ko."
Tumango siya sa akin. "You need meds?"
Umiling ako. "Kapag may reviewer ako, don't worry, isesend ko agad sa 'yo."
"Cool. I'll transfer the money."
Umiling ulit ako. "Hindi. 'Wag na," sabi ko sa kanya. "Friends naman tayo... or classmates. Ah, basta."
Nakita ko na bahagyang napaawang iyong labi niya na para bang nagulat siya sa sinabi ko. Bigla tuloy akong parang napa-hiya. I mean, hindi naman ako naghihirap, pero gets ko naman na nasa ibang level iyong pagiging mayaman ng isang 'to... pero parang hindi rin naman siya matapobre kasi kaibigan niya naman si Assia.
"Okay. Thanks," sabi niya na naka-ngiti.
"Welcome," sagot ko na lang.
"Appreciate it," sabi niya. "If you ever need anything, you know my number."
Tumango lang ako sa kanya tapos ay bumalik na ako sa pag-aaral. Maya-maya pa ay dumating na iyong prof namin sa Consti 2. Huminga ako nang malalim nang makita ko iyong class card na nilabas niya.
Shet.
Balik buhay law school na nga talaga ulit ako.
"dela Rama."
Talaga bang sabay-sabay lahat ng swerte ko sa buhay?
Ramdam ko iyong panlalamig ng buong katawan ko nang marinig ko iyong pangalan ko. Huminga ako nang malalim habang naka-tayo. Parang sobrang bagal ng bawat segundo habang hinihintay ko na sabihin sa akin iyong tanong.
Finals na 'to.
Literal na 1/3 'to ng grades ko.
Mabagal pa naman si Sir magtawag sa klase... Malaki iyong chance na ito lang ang nag-iisang recitation ko sa buong finals period.
'Sana alam ko iyong sagot,' paulit-ulit na bulong ko sa isip ko. 'Lord, nagreview naman talaga ako... Sana po iyong alam ko na tanong iyong ibigay sa 'kin.'
"Case of Lansang v Garcia."
Kulang na lang siguro ay buhusan ako ng malamig na tubig nang marinig ko iyong salitang case.
Fuck.
Napaka-swerte ko naman talaga!
Nanatili akong naka-tayo roon at nagpapanggap na inaalala ko kung anong kaso iyong pinapa-recite niya sa akin... kaso hindi ko nabasa iyon. Sa dami ng binasa kong concept, hindi na ako nakapagkaso. Hindi naman kasi nagtatanong si Sir ng kaso madalas!
Bakit ba sobrang swerte ko bigla?!
Habang naka-tayo ako roon ay ramdam ko na nagmamadaling magbasa iyong mga kaklase ko. Kasi alam ko na wala naman sa amin iyong nakapagbasa ng kaso... maliban na lang siguro sa iba na malakas lang ang trip sa buhay at nagbabasa ng kaso just for fun.
"Have you read the case?" tanong niya sa akin.
"Yes, Attorney," sagot ko nang maalala ko iyong sinabi sa akin ni Achilles na 'wag na 'wag akong aamin na hindi ako nagbasa. Kasi parang sinabi ko na rin na wala akong pakielam sa assignment na binigay nila.
"Then, discuss the case."
Katahimikan.
"It's about the writ of habeas corpus."
Wala pa rin akong masabi kahit nagbigay na siya ng clue.
"Sit down," sabi niya habang para akong pinagbagsakan ng langit nang makita ko iyong grade na nilagay niya sa class card ko.
**
This story is already at Chapter 29 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com