Chào các bạn! Truyen4U chính thức đã quay trở lại rồi đây!^^. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền Truyen4U.Com này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 08

#DTG08 Chapter 08

"Oh, you're alive."

Napa-simangot ako sa sinabi ni Niko nang pumasok ako sa classroom. Kaka-tanggap ko pa lang kasi sa trabaho. Nag-iba na iyong schedule ko. Hindi na ako nakaka-sama sa kanilang mag-aral. Dumadating ako sa school nang halos magsisimula na iyong klase. Pareho na kami ni Sancho, ah. Pero minsan nale-late din ako... Ang dami kasi talagang pinapagawa sa trabaho.

"Salamat," sabi ko kay Vito nang may makita akong slice ng cake sa desk ng upuan ko. Lagi akong may libreng cake sa kanya. Sabi ko naman na wala lang iyong pagsulat ko ng digest niya, e. Lima lang naman 'yun.

"Midterms' next week. Are you able to study?"

"Nakakapag-aral naman ako kapag lunch..." sabi ko na lang pero sa totoo lang, sobrang sandali lang ng lunch break ko dahil sa dami ng pinapagawa sa akin. Minsan pa ako iyong nagfa-file talaga ng pleadings. "Saka wala naman akong pasok sa weekend. Makakapag-aral ako."

Tumango lang si Vito sa akin. Dumating na agad iyong professor namin. Huminga ako nang malalim. Hindi ako sanay na pumapasok ng hindi nakakapagbasa. Kahit pa sabihin na naaral ko naman kagabi bago ako matulog, iba pa rin kapag nabasa mo bago magsimula iyong klase.

Habang nag-aayos ng gamit si Atty, nagdasal ako na sana ay hindi ako matawag. Balak ko sana na mag-aral habang nasa jeep kaya lang ay may nag-away na pasahero kaya hindi ako makapagconcentrate. Sana talaga hindi ako matawag. Hindi ko alam kung makaka-sagot ba ako nang maayos.

"Bring out a sheet of paper."

Hala.

Quiz? Hindi ako masyadong aral!

"Are you okay?" bulong ni Vito sa akin.

"H-Ha? Oo," sagot ko habang kinuha iyong bag ko... tapos na-realize na naiwan ko sa boarding house iyong papel ko. Ano ba 'yan. Nagiging makalat na rin ako.

"Here," sabi ni Vito sabay bigay sa akin ng ilang sheet ng yellow paper. Nagpasalamat ako. Huminga ulit ako nang malalim nang makuha ko iyong questionnaire. Alam ko naman iyong iba... pero may dalawang tanong na hindi ko masyadong maalala, pero sigurado ako na nabasa ko iyon.

Nakaka-inis.

Nakaka-inis.

"Bakit?" mahinang sagot ko nang kalabitin ako ni Vito. Nilapit niya iyong papel sa akin. Kumunot ang noo ko. Napa-tingin ako kay Atty na nagcecellphone sa harapan. Mabilis akong umiling. Ayokong mangopya.

Tinakpan ko iyong mukha ko ng kamay ko at saka huminga nang malalim. Alam ko 'to, e. Nabasa ko 'to. Kailangan ko lang tandaan.

"What's with the frowny face?" tanong ni Niko nang idismiss na kami. Sobrang sama ng loob ko. Hindi kasi pumapasok si Atty sa Persons tapos bigla niyang sasabihin kanina na kalahati ng recit namin ngayong midterms ay iyong quiz kanina. Tapos hindi ko naman nasagutan nang maayos iyong dalawa.

Dapat ba nangopya na ako kay Vito?

Pero ayoko.

Kapag nangopya ako sa quiz, sa susunod mangongopya na ako sa exam... Tapos saan na susunod? Ayoko nun.

Babawi na lang ako sa susunod. Mag-aaral ako sa jeep kahit magsuntukan pa sila sa harap ko.

"You want ice cream?" tanong ni Vito. Nauna na kasing maglakad sina Niko at Sancho dahil 'di ko pinansin iyong tanong kanina ni Niko. Wala ako sa mood na pag-usapan iyong quiz namin na kalahati pala ng recit namin... Nakaka-sama talaga ng loob... Sana alam ko na ganoon pala kalaki computation nun sa grade ko.

"Okay pero sandali lang kasi mag-aaral pa ako..." sabi ko sa kanya. Naka-sunod lang ako kay Vito habang naglalakad siya. Napunta kami sa isang convenience store.

"What do you want?" tanong niya habang naka-tingin kaming dalawa doon sa freezer. "That one?" tanong niya habang naka-turo doon sa cone. "Or that one?"

"May kutsara ba?" tanong ko dahil parang masarap iyong nasa cup... May peanut butter kasi... 'Di pa ako nakaka-kain nun, e.

Tumingin si Vito sa paligid. "I think they have spoon here. Let's just buy," sabi niya sabay kuha nung isang pint ng ice cream. Naka-sunod ako sa kanya nang yumuko siya at kumuha ng isang pack ng kutsara. Nakita ko iyong babae na kinilig nang makita si Vito. Sanay naman ako na maka-kita ng ganon. 'Di naman ako bulag. Gwapo naman si Vito talaga, pero mas gusto ko iyong mabait siya.

"Here," sabi niya sabay abot sa akin ng kutsara. Nandun kami sa labas ng convenience store.

"Salamat," sagot ko habang kumukuha ng ice cream. Ramdam ko na naka-tingin siya sa akin, pero masyado pa rin akong malungkot doon sa quiz kanina. Kailangan ko talagang bumawi sa exam...

"If you think about it, that quiz is just around 1/64 of your grade," biglang sabi niya.

"Sayang pa rin..." Hindi siya nagsalita. Tumingin ako sa kanya. "Sorry. Wala akong kwentang kasama ngayon."

Tipid siyang ngumiti tapos kumuha ng ice cream. "It's normal. We all have good days and bad days."

"Oo nga, e... Parang bad week na nga ako..."

"Because of work?"

Tumango ako. "Alam ko naman na maraming ginagawa, pero 'di ko akalain na ganoon karami... Sa lamesa ko yata bumabagsak lahat ng ginagawa... 'Di naman ako makapagreklamo kasi bago lang ako doon..." Nagbuntung-hininga ako. "Sorry ang dami kong reklamo."

"It's fine. Complain away," sabi niya habang may ngiti na parang ineencourage pa ako na magreklamo sa harapan niya.

"Pagod na ko."

"Hey, that's dirty," sabi niya nang isandal ko iyong mukha ko sa lamesa. Pagod na talaga ako ngayong araw. Madaling araw na ako natulog kahapon dahil sa biglaang pina-draft na pleading sa akin tapos nung pagpasok ko nung malapit ng mag-uwian, biglang sinabihan ako na ako raw ang magfa-file ng pleading... Tapos nung nasa jeep ako, may nag-away pa... Tapos nagquiz pa... Tapos hindi ako naka-sagot... Nakaka-pagod naman maging working student.

"Inaantok na ko, e. Gisingin mo na lang ako kapag ubos mo na iyong ice cream," sabi ko nang ipikit ko iyong mga mata ko. Ngayon ko napatunayan na pagod talaga ako dahil nakaka-dalawang kutsara pa lang ako sa ice cream pero mas pinili kong umiglip.

Pero hindi pa man nagtatagal iyong tulog ko, naramdaman ko na kinakalabit ako ni Vito.

"Hmm?"

"Let's get you home," sabi niya.

"Iyong ice cream?"

"I don't really like ice cream."

"E bakit tayo nandito?" tanong ko habang pinipilit iyong katawan ko na tumayo dahil antuk na antok na talaga pati kaluluwa ko.

"Thought ice cream might cheer you up."

Agad akong napa-ngiti. Ang bait niya talaga.

Naglakad kami pabalik sa school dahil nandoon naka-parada iyong sasakyan niya. Nang maka-rating kami sa LRT station, akala ko ay hihinto na siya para maka-baba ako, pero nagulat ako nang huminto siya sa gilid at patayin iyong makina ng sasakyan.

"Let's go," sabi niya.

"Ha?"

"I'll walk you home."

"Hala, 'wag na. Delikado," sabi ko. Mukha pa namang mayaman si Vito baka mapagtripan siya... Saka iyong sasakyan niya baka manakaw dito...

"All the more reason to walk you home," sagot niya tapos bumaba na siya. Grabe naman. Delikado kasi talaga. Ako kasi kahit nakawan nila ako wala silang makukuha bukod sa 200 pesos sa wallet ko. Baka nga ibalik pa sa akin ng magnanakaw iyong cellphone ko, e.

"Di ba delikado iyong sasakyan mo?"

"It's insured," sabi niya.

Sabay kaming naglakad. Hindi naman talaga delikado dito... Pero nag-iingat lang ako kasi syempre Maynila pa rin 'to. May mga bata namang naglalaro sa labas tuwing umuuwi ako kaya medyo panatag pa rin ang loob ko.

"Will you be okay next week?" tanong niya.

"Next week?"

"Yeah. Midterms. Because you know... your work."

"Ah... Okay naman siguro. Hindi naman ako ang unang working student. Makaka-adjust din ako."

"Can you tell them that it's your exam?"

"Hindi na siguro... Baka isipin nila humihingi ako ng special treatment."

"Well, it's just for a week."

Bahagya akong humarap sa kanya at ngumiti. "Salamat sa concern... Thank you talaga..."

Bago ako lumuwas sa Maynila, iniisip ko talaga kung magkakaroon ba ako ng kaibigan—iyong totoong kaibigan. Akala ko wala... Kasi alam ko naman na sobrang private ng papasukan kong eskwelahan... Syempre iba ang trip ng mga mayayaman. Hindi ako makaka-sabay doon. Hindi ko rin naman gustong sumabay. Saka alam ko na magta-trabaho ako. Hindi ako makaka-sama sa mga gala nila o kung anuman.

Pero nakilala ko iyong tatlo.

Sobrang saya lang.

Blessing in disguise pala iyong hindi tumitingin sa dinadaanan sina Nikolai at Vito.

"Dito na ko," sabi ko at saka huminto sa paglalakad. Tumingin si Vito sa bahay sa harapan nila. Dalawang palapag na bahay 'yun. Medyo luma na, pero maayos naman. Saka okay naman kasi matandang dalaga iyong may-ari ng bahay saka masungit kaya tahimik lang talaga kaming mga naka-tira.

"Okay ka lang ba talagang maglakad pabalik?" tanong ko kasi syempre first time niya lang naman pumunta rito...

Tumango siya. "Here," sabi niya tapos may nilabas siya sa bulsa niya. "To help you sleep."

Bahagya akong natawa nang tinanggap ko iyong nasa maliit na tetra-pack na gatas. "Salamat," sabi ko. "Text mo ako kapag naka-balik ka na sa sasakyan mo."

Tumango ulit siya. Pero hindi siya gumalaw. Hindi rin tuloy ako maka-galaw.

"May kailangan ka pa ba?" tanong ko. Hinihila na talaga ako ng kama. Antok na ako... pero kailangan ko pang maglinis ng katawan.

"Nothing..." sabi niya na ngumiti. "Have a good sleep."

"Ikaw din. Salamat dito," sabi ko sabay angat sa gatas. "Ingat pauwi," pagpapatuloy ko. Kumaway muna ako sa kanya bago pumasok sa boarding house.

Pagpasok ko sa loob, natigilan ako kasi nakita ko si Rose, iyong isang naka-tira din dito. "Sino 'yun?" tanong niya sabay turo kay Vito na kaka-alis pa lang. Hinintay ata ako na maka-pasok sa loob.

"Classmate ko."

"Ang gwapo naman."

Tumango na lang ako. Hindi kaya naiinis si Vito? Kasi mukha niya lang iyong laging napapansin? Kasi kung ako ang tatanungin, oo gwapo talaga siya pero marami pa siyang magandang katangian bukod sa mukha niya. Mabait at saka matalino kaya 'yun... pero mukha niya ang laging napapansin.

"May jowa? Pakilala mo naman ako," sabi niya habang hinuhubad ko iyong sapatos ko. Bawal kasi ang sapatos sa loob.

"Meron, e..." sabi ko.

"Ay sayang. Maganda ba?"

"Maganda," sagot ko.

"Balitaan mo na lang ako kapag nagbreak," sabi niya tapos dumiretso sa kusina. Grabe naman. Ang dami-daming lalaki sa mundo, e... Bakit mo hihilingin na magbreak sila?

Pagpasok ko sa kwarto, nilabas ko agad iyong cellphone ko at hinintay na magtext si Vito... pero inaantok na talaga ako.

* * *

Nang magising ako, agad kong inabot iyong cellphone ko.

'In my car already.'

'Asleep already? Good night, Assia.'

Balak ko sanang magreply sa kanya para sabihin na naka-tulog ako kaya lang ay napa-tingin ako sa orasan sa cellphone ko. Agad na nanlaki ang mga mata ko nang makita kong malapit ng mag-alas-otso.

Mabilis akong naligo at saka kinuha iyong bag ko. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko habang naka-sakay sa jeep. Ang sungit pa naman ni Atty. Narciso...

Pagdating ko sa opisina, huminga ako nang malalim na malalim. Hinahanda ko na iyong sarili ko na mapagalitan. Minsan iniisip ko na lang na hindi naman talaga sa akin galit si Atty, pero ako laging napagbubuntunan, e... May problema kasi sa gobyerno tapos laging na-iinterview iyong boss ko tapos ang kalat din daw sa twitter kaya laging mainit ang ulo niya.

Ang ending, ako ang napapagalitan palagi.

"Nandyan na si Atty?" tanong ko kay Rhea, iyong isa sa ka-trabaho ko.

"Reassigned ka, girl," sabi sa akin ni Rhea.

"Ha? Bakit?"

"Ewan ko. Napikon siguro si Ma'am sa 'yo."

"Hala... Ano'ng ginawa ko?" kinakabahan na tanong ko. Wala pa naman akong late na pinapasa... Kahit nga madaling-araw na, ginagawa ko pa rin iyong mga pinapagawa niya, e... Minsan nga kahit after ng school, bumabalik pa ako rito kasi may pinapa-tapos siya.

"Joke lang," sabi niya na natawa. "Bumalik na kasi iyong favorite niya kaya nilipat ka na lang sa iba."

"Kanino?"

"Atty. Villamontes," sabi niya. "Hanapin mo na lang. Baka familiar ka na kasi narinig ko professor daw sa mamahalin mong school."

Wala naman akong professor na Villamontes ang apelido... Baka higher year ang tinuturuan niya... First year pa lang naman ako...

Hinanap ko na iyong sinasabi nila na bago kong boss.

"Hi... Nasaan po si Atty. Villamontes?" tanong ko sa lalaki sa harapan ko.

"What about him?"

"Ah... Sa kanya daw po kasi ako nilipat," sabi ko. Hinahanap kaya ako? Baka sabihin late ako... Medyo late naman talaga ako... Pero mas lalo akong male-late kung hindi ko pa siya makikita. "Kilala mo po ba siya? Baka po kasi hinahanap na ako, e... Baka mapagalitan ako..."

Tumawa nang bahagya iyong lalaki sa harapan ko.

"Hindi naman siguro."

"Nasaan po ba siya?"

"Arthur Villamontes," sabi niya sabay lahad ng kamay.

Napa-kurap ako. "Hala, Sir," mabilis na sabi ko sabay ayos ng tayo. "Pasensya na po na-late ako. May ipapagawa po ba kayo?" agad na tanong ko.

"No, it's fine basta 'wag ka ng male-late bukas."

Mabilis akong tumango. "Yes po, Sir. Pasensya na po talaga."

"I was supposed to discuss with you the things we need to do, pero biglang may meeting ako na pupuntahan. Let's just discuss things after lunch," sabi niya bago mabilis na umalis.

Grabe... Mas mabait siya kaysa kay Atty. Narciso...

* * *

Hindi bumalik ng opisina si Sir. Naipit siguro sa meeting. Maaga tuloy akong nakarating sa school.

"It's a miracle," sabi ni Niko nang maka-rating ako.

"Sabihin mo na lang na miss mo na ako," sabi ko tapos natawa siya.

"Damn... She's getting braver and bolder," sabi ni Niko. Nakita ko na may cake ulit sa upuan ko. Nagpasalamat ako kay Vito.

"You look better now," sabi ni Vito.

"May bago na kasi akong boss," sabi ko ng naka-ngiti.

"What happened to your other boss?"

"Di ko alam... Pero mas mabait iyong ngayon," sabi ko. "Saka professor din daw siya dito sa Brent. Baka bigyan niya ako ng leniency since alam niya naman na exam next week."

"Really? What's the name?"

"Arthur Villamontes."

"Villamontes?"

Tumango ako pero biglang dumating na iyong professor namin. Pero hindi na ako kinakabahan dahil nakapag-aral naman ako kanina. Kailangan ko lang maging masipag at matyaga... Magiging abogado din ako... 


**

Read advanced chapters on patreon.com/beeyotch

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com