Chào các bạn! Truyen4U chính thức đã quay trở lại rồi đây!^^. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền Truyen4U.Com này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 39

When I finished my remaining tasks, I felt like I could do whatever I wanted. Taas-noo ko pang niligpit ang mga gamit ko kaya napatingin sa akin sila Orion at Lawron na napatigil saglit sa pag-aaral.

"Naks, mabilis natatapos ang mga gawain kasi may bebe time na," pagpaparinig ni Orion.

Nanlaki naman ang mga mata ni Lawron. "Ipapakilala mo na siya sa amin, Ma?"

Mas lalo kong tinitigan si Orion habang palawak nang palawak ang ngisi ko. Mas lalo tuloy siyang napapailing at tuluyan na niyang tinakpan ang mukha niya. Mukhang malapit na magsink-in sa kaniya.

"Huwag mo na tanungin, Batas. Hayaan mong kusa umamin itong si Bloom," sabi ni Orion.

"Gusto ko na siyang makilala!" Paulit-ulit na pinapalo ni Lawron ang lamesa.

"Malapit na," bulong ko at ginulo ang buhok niya.

Pinag-usapan na namin iyon ni Boss. Pagkatapos ng mga recitation at iba pa niyang gawain, kung may oras na kami ay aamin na kami. Hindi nga lang namin alam kung paano. Para kasi kaming nilalamon ng kaba na baka magtampo sila dahil natagalan ang pag-amin namin. Kaso ayun nga, late na rin nakakauwi si Boss dahil tinatrabaho pa nila ang thesis nila. Plus, nabanggit niya sa akin na pabalik-balik siya sa White Hall these days dahil posible raw magkaroon ng misyon.

Pero hanggang ngayon, wala pang nafifinalize. Puro 'baka' an nababanggit.

"Hindi pa rin umuuwi si Danger?" tanong ko dahil maghahatinggabi na naman. Ni hindi ko pa siya nakakausap kung may problema ba siya. Bad timing palagi eh.

"Noground," sabi ni Orion kaya napabuntong-hininga kaming lahat.

"Fuck!"

Napatingin kaming lahat kay Clark na nanunuod ng TV. Pinuntahan ko siya roon at nakitang nanonood siya ng Flash News tungkol sa update ng filing of candidacy.

"Mukhang pinapatakbo ulit si Bernadette!"

"Putragis!" Napatayo si Orion at Lawron para makibalita sa sala.

"Seriously? Pare-parehas na mukha na naman gusto nilang patakbuhin?"

Hindi ko mapigilang madismaya kung paano hindi minumulat ng ibang tao ang mga nangyari sa termino ni Bernadette Nodawn. Kaliwa't-kanan na bomb explosion sa mga lugar, page-eliminate ng mga maaaring maging kakompetensya niya sa pwesto, pagtaas ng mga presyo ng bilihin dahil hindi man lang niya binibigyan ng pansin ang ekonomiya ng lugar, pati na rin ang mga issue na agad nilang pinapaiwas sa media dahil ayaw nilang palakihin.

"Mukhang mamamatay tayo nito ah," bulong ko.

Naramdaman kong tumahimik ang mga kasama ko at dahan-dahang napalingon sa akin. Napalakas pa ata ang pag-iisip ko.

Umiling ako agad. Mali. Dapat hindi ganun ang pag-iisip ko. We have each other kahit hawak pa kami sa leeg ng White Hall.

Knock on wood, kumatok ako sa kahoy na dinaanan ko para baliktarin ang lahat ng pwedeng mangyari.

Hindi ko maiwasang mapaisip, sa mga tinatangging misyon ni Boss na lalabag sa prinsipyo namin, totoo kayang naiipon ang posibilidad na patahimikin kami dahil alam namin ang tunay na pamamalakad ng White Hall?

Pinakalma ko ang sarili ko sa pamamagitan ng mainit na gatas. Dinamdam ko ang init nito para pakalmahin ang baga ko habang bumabalik sa sala para tumabi kay Clark. Kaso saktong paglapag ko ng mug sa lamesa, may ingay kaming narinig mula sa labas.

"Sino 'yun?"

"Baka may tao."

Saktong bumaba si Forsythe mula sa taas, mukhang narinig din ang ingay. Lalapitan sana niya ang pintuan nang malakas itong bumukas kaya agad siyang napahakbang paatras.

"Hello! Hi! Heyoooooo!" sigaw ni Danger na may hawak pang bote ng alak. Sumabit siya kay Forsythe at ginawang microphone ang nguso ng bote. "When I say gum, you say drop! Gum!"

"Drop!" sagot nila Clark at Lawron, tuwang-tuwa sa energy ni Danger.

"Gum!"

"Drop!"

"Magaling!" At naghiyawan silang tatlo.

Gusto ko mang sumabay sa energy niya kaso binabasa ko ang kilos niya ngayon. Masyado siyang hyper.

"Magpahinga ka na," utos ni Orion dahil nakakabahala na baka mabitawan ni Danger ang hawak niyang bote.

"Maya na!" At niyakap na niya Orion, halos halik-halikan pa siya. "Gusto niyo bang uminom tayo? May pera pa ako! Tara!"

"Danger..." pagpapakalma ko. Jusko! Iinom ng alas dos ng hatinggabi?

"Jennifeeeeer!" Hindi na ako nakaiwas agad dahil ako naman ang pinuntirya niya. Gumagawa rin siya ng iba't-ibang klase ng ingay habang yakap-yakap ako. "Sino ba ang jowa mo? Sabihin mo sa akin para bugbugin ko kung pinaiyak ka niya. Lulumpuhin ko 'yun kung saktan ka niya! Sana kasing gwapo niya ako para kaunti lang pagsisisi mo kung nagbreak kayo. Pero kung makilala ko na at mas gwapo kaysa sa akin, sobrang bait at mapagmahal, akin na lang."

Natawa rin ang iba sa sinabi niya. Tinawanan ko na lang din siya at niyakap pabalik. "Marami na nainom mo. Sa susunod, isama mo na kami."

Mas lalo siyang napahighik at niyakap ako nang mahigpit. Ayaw niya akong pakawalan kaya sumenyas ako sa iba na tulungan ako.

"Salamat, Jennifer, kahit sa mga kalokohan na ginagawa ko, welcome pa rin ako at iniintindi mo ako. Salamat din dahil tumatayo kang ina sa amin. Salamat sa pag-aalala at nararamdaman kong mahalaga din ako sa buhay mo," bulong ni Danger.

Natunaw bigla ako sa yakap niya.

Natigilan din ang iba sa sinabi niya. Napadilat siya saglit at nang mapansin na nakapaligid na kami sa kaniya, ngumiti siya at pinagkasya kaming lahat sa mga bisig niya. "Mahal ko kayo!"

At sinimulang halikan kami isa-isa kaya nagsisialisan kami sa yakap. Hinalikan niya ang sentido ko! Nakita ko pa na hinalikan (na may tunog) ni Danger ang pisngi ni Lawron kaya nagdive siya sa sofa para punasan ang mukha niya.

"Ang ingay niyo. Anong meron?" Nagising pa si Heroic.

"Bayani!" iyak ni Danger at tumakbo palapit sa kaniya. "Labyu!"

"Huh?"

Muntikan na silang magkahalikan sa labi pero napigilan ni Forsythe sa pamamagitan ng paghablot nito sa jacket ni Danger. Pambihira, hindi pa naoorient si Heroic sa nangyayari kaya nananatili pa rin siyang nakatayo, hindi man lang umiwas nang makitang balak din siya halikan.

"What is happening?"

Saktong kauuwi pa lang ni Boss. Ngayon lang ulit kami nakumpleto simula noong naging mga busy kami sa mga gawain namin. Ngayon, pageywang-geywang si Danger na tumatakbo palapit kay Boss. Nakawala kasi siya sa hawak ni Forsythe. Hindi nakaiwas si Boss kaya matunog din siyang nahalikan sa pisngi. Naghiyawan kaming lahat dahil hindi namin napigilan.

"Boss! I love you!"

Sa wakas, nahila na namin siya bago pa niya mahalikan si Boss sa labi. Sa tulong ni Forsythe, hiniga namin si Danger sa sofa. Mukha na siyang manika na lowbatt.

"What the hell just happened?" tanong ni Boss habang pinupunasan ang mukha niya.

Please, kitang-kita pa ang kintab ng laway ni Danger sa pisngi niya.

"Welcome home daw," natatawang sabi ni Orion habang binibigay ang tissue.

Hindi namin napigilang matawa lahat sa nangyari. Parang halo-halo rin ang nangyari at sa huli, natawa kami sa lasing na Danger. Kasalukuyan na itong bagsak sa sofa, nakababa pa ang isang paa.

Natigilan ako sa pagtawa nang napagtanto kong lumamig na ang tinimpla kong gatas!

"Hindi na mainit gatas ko!" reklamo ko.

At gising pa pala ang lasing.

"Gusto mo bang painitin ko?" Kahit mukha na siyang nakadefrost na hotdog, sinubukan pa rin niyang bumangon para hawakan ang mug na nakapatong sa lamesa. "You... sexy.. so much" bulong pa niya na may nakakaakit na boses.

Sabay-sabay kaming napatili at pumilipit sa pandidiri. Para akong naligaw sa boses niya at kinailangan ko pang takpan ang mga tenga ko.

Bago pa makapagkalat nang tuluyan si Danger ay binigyan na siya ni Forsythe ng headlock para lumayo.

"Maghunos-dili ka, Pahamak!" sigaw ni Orion at halos patungan na ng mga unan ang buong katawan ni Danger.

"Haha!" huling tawa niya bago tuluyang nakatulog.

Nanatili kaming tulala.

Habang pinapanood naming matulog si Danger, nagsalita si Heroic.

"Gusto niyo bang magmatching shoes tayong lahat?" alok niya at tumango na lamang kami.

At doon na namin napapansin ang pagbabago-bago ni Danger tuwing umuuwi siya galing Noground. Kung noong isang gabi ay sobrang hyper niya dahil nakainom, kinabukasan naman ay parang wala siya sa mood. Kaya inisip namin na baka may hangover siya. Kaso nang inaya naming kumain dahil gumawa si Heroic ng noodles para sa kaniya. Tinanguan niya lang kami at dumeretsong lumabas. Sa huli, si Forsythe ang kumain ng noodles dahil sayang daw.

Nagtaka kami. Baka lasing siya para maging clingy nang ganun?

Nabuksan ko na rin ito kay Orion. Napapansin din kasi niya si Danger. Malakas pa naman ang loob ni Orion pagdating kay Danger. Bukod sa palagi siyang dumidikit, madalas ko silang nakikitang nag-uusap sa mga bagay-bagay. Ngayon kasi ay parang nakakahalata na kami sa inconsistency niya. Pagkatapos nga ng pagiging clingy niya noong gabi na iyon, kung hindi niya kami papansinin, grabe naman ang pagbuga ng energy niya.

Sinadya kong magpagabi para maabutan siya. Kaso hindi ko naman din inaasahan na puno na naman siya ng energy pagpasok sa bahay. Dumating na nga ang matching shoes naming lahat at hindi ko pa siya gaanong nakakausap simula noon.

"Hello Jennifer!" sigaw niya. Eh, tulog na ang iba.

"Shh!" Sumenyas ako na pahinaan ang boses niya.

Tumango naman siya at nilapat ang hintuturo sa labi niya. "Yes. Yes. Nga pala, bakit gising ka pa?"

Inamoy ko siya at hindi siya amoy alak. Amoy yosi nga lang siya.

"Kailan ka pa nagyoyosi?" seryoso kong tanong.

Inamoy niya ang sarili niya. "Hala." Medyo humakbang siya palayo sa akin. "Tumigil ako noon."

Tinitigan ko lang siya. Ginantihan din niya rin ako ng titig pero sa huli, napabuntong-hininga siya at tinapik ang balikat ko. "Tulog na, Bloom. Magpahinga ka na."

Hindi na ako nakaangal dahil pinapakiramdaman ko pa rin siya.

"Okay ka lang?" tanong ko. "May napapansin kami sa'yo eh."

"Oo naman," mabilis niyang sagot. "Medyo pagod lang. Tara, akyat na tayo."

Pinakita ko na naniwala ako sa sinabi niya kahit nag-aalala pa rin ako. Imbis na hihintayin ko pa si Boss na umuwi galing university dahil busy sila sa activities at sa upcoming election, pinasok na ako ni Danger sa loob ng kwarto ko. "Good night!" At sinara ang pintuan.

Lalabas pa sana ako pagkatapos ng ilang segundo kaso inakit ako ng kama ko. Kaya humiga na lang ako at hindi naman inaakala na makakatulog ako kaagad.

Ngayon lang ulit ako nakatulog nang mahimbing habang hindi iniisip ang ibang gawain sa school.

Hindi ko alam kung anong oras na pero narinig kong bumukas ang pinto. Kaya medyo gumalaw na ako para pilitin ang sarili ko na gumising pero agad naman akong nakatulog ulit.

Napakiramdaman ko na may umupo sa kama ko. Sinubukan kong sumilip pero nasisilaw pa ako. Naningkit tuloy ang mga mata ko habang tinitingnan kung sino ang kasama ko pero nang maamoy ko ang pabango niya, nakilala ko na kung sino siya.

Gumapang ako palapit sa kaniya para yakapin ang beywang niya. "Umaga na ah. Bakit ngayon ka lang?" namamaos kong tanong.

Yumuko siya para yakapin ako pabalik. "Masyadong busy dahil mag-e-election na. Kailangang magkaroon na ng mga party kaso wala pang balak tumakbo. Wala pang nagfi-file ng candidacy sa university."

"Takot sila dahil mag-e-election na rin sa Nodawn City?"

"Oo."

Natahimik ako saglit dahil sobrang naiintindihan ko ang pangamba ng ibang students. Kahit may mga nakikita akong active sa mga academic at non-academic organizations, mukhang ayaw tumapak sa supreme student government dahil sakop ang buong university at sa labas.

"Sa tingin mo, totoo ang myth na sinasabi nila?" tanong ko sa kaniya at umangat ang tingin sa kaniya. Kaya napatigil din siya sa paghahaplos ng buhok ko.

Mahinahon siyang ngumiti at hinaplos ang tuktok ng ulo ko. "Sana hindi."

Nagising na lang din ang diwa ko nang nagtama ang paningin ko. Sinubukan kong bumangon kahit nakadikit na ako sa kama ko.

"Hindi ka tatakbo, 'di ba?"

Kitang-kita ko kung paano bumagsak ang loob niya nang hindi napuputol ang tingin sa akin. Para bang hindi niya ineexpect na itatanong ko iyon sa kaniya.

"Hindi." Punong-puno ng assurance ang boses niya. "Ayaw kong tumakbo."

Hindi ko na alam ang sasabihin ko kaya tumango ako.

"Hindi ako tatakbo," ulit niya, tinatantya ang reaksyon ko.

Tumango ako muli. "Tama na, hmm? Masyado ka nang maraming responsibilidad. Alam mo sana ang boundary mo."

Siya naman ang tumango.

Gusto ko sanang sabihin na namimiss ko na siya at hindi na kami gaanong nagsasama. Kaso naiintindihan ko naman na sobrang busy na siya. Kung siya naman ang nababawasan ng gawain, ako naman ang natatambakan ng gawain.

"Sige, pahinga ka na." Tinapik ko ang balikat niya.

"Are you okay?" tanong niya bigla. Ramdam na ramdam ko kasi ang titig niya.

"Oo naman."

"I'm sorry kung wala na tayong time sa isa't-isa."

Gusto kong sabihin na ayos lang dahil naiintindihan ko naman talaga. Pero ningitian ko lang siya.

"Andito pa naman tayo."

Hinaplos ko ang pisngi niya.

Hinawakan din niya ang kamay ko at hinalikan ang palad ko.

"Bukas, sabay tayong umuwi."

"Hmm." Tumango ako.

"Sabay-sabay din tayong magdinner ng Gumdrop."

Tumango muli ako.

"Sabihan na rin natin sila."

Natigilan ako. Parang tumigil saglit ang paggana ng baga ko dahil pinoproseso ko pa ang sinabi niya. Ano ulit 'yun? Sasabihin na namin?

"Okay ka lang?"

Unti-unti akong lumayo.

"Oh my gosh.." tanging nasabi ko. Hindi pa ako nakuntento, napahawak ako sa labi ko habang naiisip ko na ang magiging reaksyon ng Gumdrop. Naghalo-halo na rin ang nararamdaman ko kaya hindi ko alam kung ano ba dapat ang sasabihin ko. Nanlamig na lang bigla ang mga kamay ko. "Seryoso?" tanong ko ulit.

Nakatingin pa rin sa akin si Boss at nakangiti siya. Kilala ko siya, seryoso siya at sigurado siya sa mga salita niya. Ngayon na nagmula na sa kaniya iyon, para akong nalulunod sa saya at kaba. Tuwing naalala ko lalo na seryoso siya sa akin, para akong lumulutang.

"Bukas?" tanong niya.

"Bukas," sagot ko.

At nang dumating ang sinasabi naming bukas, para akong malapit na akong maging firecrackers na puno ng positivity at saya. Halos magtaka nga ang bagong gising na ako ang naghanda ng almusal. Sinabihan ko rin sila na umuwi nang maaga mamaya para sabay-sabay kaming magdinner. Para makasiguradong pupunta talaga sila, sinabi kong may announcement ako. Lahat naman sila ay narinig iyon. Ewan ko lang kay Danger dahil dinaanan niya na naman kami.

Kinailangan ko ring pumasok nang maaga sa university para tapusin ang natitira kong gawan para tuluyan na akong walang iisipin. Ganito rin ang nangyayari sa akin noong simula pa namin ni Boss kaya nakakatuwa na hindi pa rin ako nagbabago. Mas nakakatuwa dahil marami ring magandang nangyayari.

Hinayaan kong dumaan ang bawat oras hanggang sa maaga ang dismissal namin. Mabuti na lang, alam namin ang schedule ng isa't-isa. Hindi man nagtutugma dahil mas nauuna siyang lumabas sa araw ng Wednesday, ako naman ang maagang nakalabas kaya bitbit ang gaan ng loob ko, nagtungo ako sa labas ng Audio Visual Room ng department nila kung saan sila nakaduty para sa eleksyon.

Gusto ko mang umupo kahit saan habang hinihintay siya kaso puti ang uniform ko. Sumilip nalang muna ako sa main entrance. Nakita ko siyang may dalang sandamakmak na papeles sa kaliwang bisig niya. May kausap din siya at halos lukot na ang noo niya sa stress. Hindi pa nga siya nakakailang segundo sa pagtayo, maglalakad na naman siya sa kabilang pwesto kung nasaan ang computers. Pinanood ko siyang ganun. Napanood ko pa nga siyang marahang napasapo ng noo. Hindi ko alam kung gaano siya katagal na ganun hanggang sa bumagsak siya sa upuan habang minamasahe ang noo niya. Ngayon ko lang nakita siyang mastress nang ganiyan.

"Hello, sino ang hanap niyo?" may lumapit at nagtanong sa akin na ka-oragnization niya.

Aalis na sana ako dahil kauupo lang ni Boss matapos ang palakad-lakad sa malawak na AV Room. "Ah, wala po," magalang kong sabi at halos mapayuko pa.

Kaso nang napatingin ulit ako sa gawi ni Boss, nakatingin na pala siya sa akin. Nang nagtama ang paningin namin, nawala na lang bigla ang lukot ng mukha niya. Napatayo rin siya agad. Sinenyasan ko siyang bumalik muna para magpahinga pero lumapit na siya sa akin.

Humakbang ako paalis ng main entrance. Naconscious tuloy ako na hindi muna siya makapagpahinga.

"Hi."

Nawala na lang din ang pangamba ko dahil lumapit siya sa akin at niyakap ako sa harap ng maraming tao. Hahaplusin ko pa lang nga ang likuran niya nang humarap siya ulit sa akin. "Ang aga naman ng labasan niyo. Kanina ka pa ba?"

"Medyo.." pag-aamin ko.

Napabuntong-hininga siya. "Marami pa kaming files na aayusin kasi may error sa files ng system. Kailangang imano-mano ang files sa office kaya back to zero kami."

"It's okay. Tapusin niyo muna ang gagawin niyo. Maghihintay ako."

Ito na naman ang ekspresyon ni Boss tuwing ako ang nag-aalok ng gawain para sa kaniya. Iyon ata ang reaksyon niya noong ako ang nagbayad ng kakainin namin sa Aurelio.

"Bloom.." parang bata niyang pag-angal.

"Seriously. Wala rin naman akong gawain kasi tinapos ko na. Hihintayin kita para sabay na tayong makauwi."

"Baka malate ako sa dinner.."

Parang nazipper ang mga labi ko saglit.

"Ganun ba.." bulong ko.

Wala na akong sasabihin. Pinilit ko namang kontrolin ang reaksyon ko para hindi niya makita na nadismaya ako kaso nang napasulyap ako sa kaniya ay nakita ko ang lungkot sa mukha niya.

"I'm really sorry.."

Ngumiti ako at tinapik ang balikat niya. "Pwede namang humabol ka sa dinner. Maiintindihan naman nila."

Hindi siya nagsalita kaya sinabay ko ang katahimikan niya saglit.

Nakita kong may sumilip sa kaniya sa entrance pero nagtama ang paningin namin kaya bumalik siya sa loob.

"Hinahanap ka na sa loob." Tinapik ko ang braso niya. Hindi pa siya kumikibo kaya halos hinihila ko na siya patayo.

"Five minutes pa," pahabol niya at hinihila ako paupo.

Gusto ko man pero mukhang kailangan na siya sa loob.

"Babalik ako, hihintayin kita para sabay tayong umuwi, saka natin sila sasabihan," mabagal kong sabi habang inaayos ang necktie niya. "Pero pwede naman nating imove kung kailan free tayong lahat. O hindi kaya, kahit late na ng gabi. O mismong Christmas na lang."

Umiling siya at tumayo. "Tatapusin ko 'to bago maggabi."

"Don't push yourself," diin ko.

"I won't."

Hinila niya ako at nanlaki ang mga mata ko nang hinalikan niya ako sa noo. Mabilis lang iyon dahil agad niya akong tingnan sa mga mata. "I'll call you, okay?"

Bumalik ang ngiti ko at tumango. Pinanood ko siyang tumakbo pabalik sa AV Room.

Mahina akong natawa. Ang cute niya talaga.

Since ako pa lang ang natapos ang klase, mag-isa akong umuwi. Napagpasyahan din namin sa dinner na bumili ng ibang makakain pero si Heroic, magluluto raw para may lutong bahay naman daw. Tutulungan ko sana siya kaso sinabi niyang sila na lang daw ni Forsythe. Instant date na lang din, kung bibigyan ko ng malisya.

Nang nakauwi ako, Ako pa lang mag-isa. Kaya naglinis muna ako saglit hanggang sa nag-ayos na ulit para makabalik sa school.

Tinaas ko lang ang buhok ko at sinuot ang cream sweater ko. Sinuot ko rin ang jumper ko pati na rin ang sapatos na binili namin.

Habang pababa ng hagdanan, naabutan ko si Danger na kalalabas palang ng kwarto niya. Nagkatinginan kami. Nakita ko pang tinago niya sa likuran niya ang hawak niya.

"Umuwi ka pala?" tanong ko habang pasimpleng tinitingnan ang nasa likuran niya.

"Oo." Habang pilit tinatago ang hawak niya. "Mukhang maaga ang labasan niyo ah. Saan ka naman papunta?" tanong niya pabalik.

"Babalik ako sa school."

"Sige, ihatid na kita."

Ni hindi man lang tinanong kung bakit pa ako babalik.

Tahimik lang kami sa loob ng sasakyan niya. Nakikita ko rin na hindi mapakali ang mga daliri niya habang hawak-hawak ang manibela. Hindi ko lang nakaya na may bumabagabag sa kaniya kaya nagtanong na ako.

"Okay ka lang? Saan ka pupunta?"

"May pupuntahan lang," sagot niya habang buong katawan na niya ang hindi mabalisa. Tuluyan ko na siyang tiningnan. Doon ko nakita na may puting phone siya sa bulsa niya.

"Bumili ka ng bagong phone?" Kasi most of the time, kapag may bago siyang binili na gamit, sinasabi niya sa amin. Madalas pa nga siyang namumudol. Ang huli niyang nabudol ay si Lawron na nakabili ng bagong phone case.

"Ah." Mas lalo niyang tinago ang phone sa bulsa niya. "Sa kakilala ko lang."

"Okay," sagot ko at hindi na nagtanong pa. Para namang may hinahabol siya.

"Fuck!"

Bigla siyang napapreno at nawala sa kontrol ang hawak niyang manibela. Hindi kasi ako nakaseatbelt. Kung hindi niya inextend ang bisig niya sa akin, baka tumilapon ako sa windshield. Ang kinalabasan nga lang ay nasakal ako sa bisig niyang humarang sa akin.

"Shit! Ayos ka lang ba, Bloom?"

"Tangina, Danger!" sigaw ko. Magaling siyang magmaneho! Alam namin iyon! Kaso tangina, muntikan na kaming bumangga sa poste! Mabuti na lang at nagbrake siya matapos lumiko. "Ano ba ang nangyayari sa'yo?!" hindi ko mapigilang mapasigaw sa sobrang takot.

"Sorry." Napatakip siya ng buong mukha. "Medyo kulang lang ako ng tulog."

"Then matulog ka! Umuwi ka! Kung saan ka kasi nagpupunta!" Marahan akong napahaplos sa batok ko. "Danger, hindi na namin alam kung anong nangyayari sa'yo!"

"Kasi wala naman talagang problema!" Nagsimulang tumaas ang boses niya kaya natigilan ako. "Huwag nga kayong tanong nang tanong kung anong nangyayari sa akin dahil hindi ko alam! Pucha, Bloom! Palagi iyon ang naririnig ko mula sa inyo! Naririndi na ako!"

Napaawang ang mga labi ko. Parang tumakas ang boses sa lalamunan ko.

"Putangina! Ano ba?! Ano ba ang nangyayari?! Nakakarindi! Paulit-ulit! Ni hindi ko nga alam kung anong problema!" sunod-sunod niyang sigaw at halos bugbugin ang manibela kaya nakakalikha ito ng mga sunod-sunod na busina.

Nagsimulang mamuo ang mga luha sa mga mata ko. Ngayon ko lang talaga nakita na ganito si Danger at hindi ko man lang alam kung paano siya pakalmahin.

Pinanood ko lang siyang suntukin ang lahat ng pwede niyang masuntok hanggang sa napasandal siya at mariing pumikit. "Nakakasawa na..."

Tuluyang nabasag ang puso ko. Wala akong maintindihan... Hindi ko alam ang gagawin ko.

Gusto kong umalis at umiyak. Hindi ko na kaya ang bigat ng loob na nagpapabigat sa hangin.

Kung nagsasawa na siya at ayaw na niya sa amin, aalis na lang ako.

Lumabas na ako sa sasakyan nang walang paalam. Hindi ko na nakita ang reaksyon niya pero sumakay ako ng taxi para makarating sa university. Medyo humuhupa naman ang bigat ng loob ko dahil nililibang ko ang sarili ko sa mga nakikita ko kaso tuwing inaalala ang kanina, gusto kong umiyak. Hindi ko na rin alam kung paano pa haharapin si Danger para kamustahin.

Nang makarating sa inupuan ko kanina, nanatili lang akong nakaupo habang pinagmamasdan ang paligid. Wala na akong pinapansin at pinanood lang ang paglubog ng araw. Saka ko naalala ang dinner namin mamaya.

Paano na 'to?

Natauhan ako nang makita ang mga tao sa AV Room na lumalabas. Tumingin ako sa relo ko, 6:23 PM na pala. Hindi ko napansin na dumilim na masyado ang paligid dahil lumiwanag ang mga ilaw. Tatayo sana ako para abangan si Boss. Kaso saktong pagtingin ko sa entrance ay naglalakad na siya palabas habang nakalapat ang cellphone sa tenga niya. Agad namang lumipat ang tingin sa akin kaya parang nawala ang bigat sa mga balikat niya. Binaba niya ang phone niya at naglakad na palapit sa akin.

Mahina ko siyang ningitian.

Hindi ko na talaga alam kung ano na ang nangyayari at hindi ko na siya marinig. Para akong nalulunod.

"May nangyari ba?" tanong niya at tinapat ang likuran ng kamay niya sa noo ko. "May masakit ba sa'yo?"

Umiling ako. "Kumusta?" tanong ko pabalik.

Hindi niya ako sinagot at sinandal ang mga siko niya sa mga tuhod niya para makita lalo ako sa pagyuko niya. "You sure that you're okay?"

Mahina akong natawa. "Ano ba sinasabi ng instinct mo?"

"May something," seryoso niyang sabi.

Ngumiti na lang ako. "Kinakabahan lang sa reaksyon nila." At nag-isip na nga ng palusot.

Mahina siyang tumawa at kinuha ang kamay ko para simulang hilutin.

"Ikaw itong pagod sa pinaggagawa niyo kanina at ako ang hinihilot mo," sabi ko. Nagpalit naman kami at ako na ang nagmamasahe ng kamay niya. "So, kumusta? I wanna hear you talk," dagdag ko.

Natahimik siya saglit at naabutan ko pala siyang nakatitig sa akin. Ginantihan ko siya ng titig hanggang sa nalipat ang tingin niya sa mga kamay namin. "Kanina, may nagcelebrate ng birthday sa amin. Tapos 'yung isang freshman, nagtanong sa akin bigla kung kailan ang birthday ko... wala akong nasagot."

Napatigil ako sa pagmamasahe ng kamay niya para tingnan siya.

"Dati naman, hindi ko naman iniisip 'yun pero these days, napapaisip ako na importante pala 'yun? Sadyang hindi ko lang iniintindi dahil kailanman, hindi ako sure.. kahit noong kasama ko pa si Papa."

"Then let's decide when your birthday will be!" I stayed positive.

"Huwag na." Napabuga siya ng tawa.

Napanguso ako at pabirong nagdabog sa pagbitaw ng kamay niya. Kaso masyado siyang clingy, pilit pinapahawak ang kamay niya sa akin.

Weird pero hang pinapanood ang mga estudyante na umuwi, hinihilot namin ang mga kamay namin. Posible palang magmasahe nang sabay. Kahit nakakahiya (kaunti naman ang mga tao), nakakatuwa rin. Parang naglaho na lang din ang lahat ng iniisip ko kanina. Ganito talaga ang epekto ni Boss sa akin madalas.

All of a sudden, gusto kong makausap mamaya si Danger. Hindi man ako sure sa mangyayari pero willing talaga ako bigyan siya ng space after that. As long as sinubukan kong makipag-usap at mag-sorry matapos ang nangyari kanina. I must have been brimming with pride because of my maternal side toward them. Sa sobrang concern ko rin ito kaya paminsan, kailangan ko na imanage. Hindi rin sa lahat ng oras, makukuha ko ang loob nila agad. Masyado ata akong kampante na dahil sa akin ay makakapagsalita sila ng problema. Mukhang pangit din ang timing.

Tahimik lang kami hanggang sa nagpasya na kaming umuwi. Nakatanggap na rin kami ng text ni Heroic na nauna silang umuwi ni Orion kaya naghahanda na sila roon. Baka sakto ring nakahanda na roon, maabutan kaming magkasama ni Boss kaya diretso na rin naming sasabihin sa kanila.

Habang naglalakad papunta sa sasakyan ni Boss, may tumawag sa kaniya. Nagkatinginan kami nang nilapat na niya ito sa tenga niya.

"Good evening, who is this?"

Binabasa ko ang mga mata niya habang pinapakinggan ang sinasabi ng kausap niya sa phone.

Nakita ko kung paano nabahid ng takot at sakit ang mga mata niya. Tuluyan na akong natakot nang nabitawan niya ang kamay ko para mahawakan ang sentido niya.

Parang nakatahi ang bibig niya. At dumiin ang pagkakamao niya.

"B..bakit..?" tanong ko.

"Si Danger... naaksidente."

Hindi ko naigalaw ang buong katawan ko. Kanina, magkausap pa lang kami. Kanina... nagsigawan pa kami... Kanina, iniwan ko siya..

Balak kong mag-sorry.. pero hindi sa sitwasyon na iyon.

Mas lalo akong walang narinig. Para akong gumagapang kahit hindi ko na nararamdaman ang katawan ko. Ni hindi ko maramdaman ang mga palad ko na nadidiinan ng mga kuko ko.

Nagmaneho si Boss papunta sa ospital. Nakikita ko ring tinatawagan niya ang mga nasa bahay. Kahit nanginginig siya, pinilit niyang maging kalmado.

Ako... wala na.. hindi ko na talaga alam.

Hinanap namin kung nasaan si Danger. Hindi pa umaabot ng 30 minutes ang aksidente at nabanggit ni Boss na parating na ang ambulansya. Mas nauna pa kami sa ospital dahil nasa kalayuan na highway nabangga si Danger. Wala pa kaming alam na detalye. Parang ang hirap tanggapin.

Pumalibot sa buong lugar ang sirena ng ambulansya. Hindi ako makaalis sa kinatatayuan ko habang nagdadasal na sana hindi malala ang nangyari sa kaniya. Kaso napahagulgol ako nang makita si Danger na puno ng dugo.

Nakalimutan kong pangarap ko ang maging nurse kaya kailangan kong masanay sa dugo. Pero nang makita sa sitwasyon na iyon si Danger, parang hindi ako makagalaw. Parang nanlalamig ang buong katawan ko.

"Danger!" tawag ni Boss at tinulungan ang mga nurse na tumulak ng emergency stretcher.

Hindi ako nakaalis sa kinatatayuan ko. Napansin iyon agad ni Boss at napalingon sa akin. Tumakbo siya ulit palapit sa akin at hinawakan ang mukha ko. "Let's go.."

Hindi ko na talaga nakaya at lumabas na ang hikbing kanina ko pa pinipigilan. "Hindi ko kaya..."

"Shh.." Niyakap niya ako. "Kailangan tayo ni Danger, hmm? Kailangan nating magpakatatag."

Nanghihina man, nakaya ko pang maglakad habang inaalalayan ako ni Boss. Nakarating kami sa labas ng emergency room. Walang tigil umapaw ang mga luha sa mga mata ko. Hindi ko na malarawan kung gaano ako natatakot ngayon.

May naaninag pa akong doctor na lumapit sa amin. Ayaw pa akong iwanan ni Boss pero sinenyasan ko siyang puntahan si Danger. Hindi ko pa kayang makita siya matapos naming magsama kanina.

Naiwan ako sa inuupan ko at pinatuloy ang pag-iyak ko.

Kung sinubukan ko pa siyang kausapin, hindi kaya mangyayari ito?

"Papunta na sila Heroic dito.." Umupo si Boss sa harapan ko para makita ang mukha ko dahil sa pagyuko. "Ililipat na siya sa kwarto niya. Kung hindi dahil sa seatbelt niya, baka mapuruhan nang malala ang katawan niya sa pagbasag ng windshield. Hindi ko pa makausap ang mga pulis dahil iniimbestigahan nila kung sinadya ba niyang maaksidente dahil sa lakas ng impact ng pagbangga."

"Nakasama ko pa siya kanina..." bulong ko. "Ihahatid pa niya sana ako sa university pero nagsigawan kami sa loob ng sasakyan niya.." Humagulgol ako. "Sana hindi ako umalis.. kung hindi ako umalis.. sana hindi siya naaksidente... baka iba ang naisip niya noong umalis ako matapos niyang sabihin na nagsasawa na siya sa atin.. sana.." Mas lalo akong umiyak. "Kasalanan ko 'to..."

"No... it's not your fault.." he whispered. Hinawakan niya ang mukha ko at sinandal sa balikat niya. Doon ako mas lalong humagulgol. "Let's pray that he will get better. It's not your fault, okay? Please.. don't blame yourself.."

Hindi. Mas lalo kong sinisi ang sarili ko. Umabot na rin sa puntong hindi ko na rin alam ang mga pinagsasabi ko dahil kinakain ko na iyon.

May lumapit ulit sa amin na nurse para sa mga aasikasuhin. Ramdam ko pa talaga na ayaw pa niya akong iwanan pero ayaw ko namang maging pabigat pa sa kaniya.

"Sige na, please. Si Danger muna.." bulong ko.

Muli akong nagpaiwan hanggang sa nakarating na sila Heroic. Sila Lawron at Clark ay mukhang galing pa sa school.

Nakita nilang umiiyak ako kaya agad nila akong binalot ng yakap.

Kung makakabalik lang talaga ako kanina, hindi ko siya iiwanan sa sasakyan. Makakaya ko namang tiisin ang nangyayari kanina pero mukhang hindi ko na talaga alam. Ang naalala ko na lang bago matapos ang araw na ito ay paulit-ulit kong sinasabi sa kanila na kasalanan ko kung bakit nangyari iyon kay Danger. Sinabi ko sa kanila ang lahat kahit nakakain ko ang mga salita ko. Ngayon, ramdam ko na ang sakit ng ulo ko matapos iiyak ang lahat ng loob ko. Nakasandal na ako sa balikat ni Lawron habang pinapatahan ako.

Halos silang lahat ay nakapasok na sa kwarto ni Danger na wala pa ring malay. Hindi ko talaga kaya siyang tingnan. Hindi pa nga ako nakakatayo sa inuupuan ko mula kanina dahil sa sobrang nginig.

"Hindi ka talaga papasok sa kwarto?" tanong ni Clark.

"Hindi ko pa kaya," pag-aamin ko.

Tumango siya at umupo sa tabi ko. Napasulyap muna siya sa akin bago napaiwas ng tingin. "Noong isang gabi.." panimula niya kaya napatingin ako sa kaniya. "Narinig kong kausap niya ang Tatay niya sa phone.." mahina niyang sabi, parang takot siyang marinig ng mga taong dumadaan.

"Noong isang gabi," pag-uulit ko.

"Sinasabing mag-ingat siya dahil eleksyon na naman at baka mapahamak na naman sila tulad ng nangyayari bawat eleksyon. Baka nangangamba ang ibang tatakbo ngayon na tumakbo rin ulit ang Tatay ni Danger kaya ginagawan ng issue."

Napapikit ako at huminga nang malalim. "Alam na ba ng Tatay ni Danger ang nangyari?"

"Oo. Nakausap niya si Boss kanina. Pinapaabang lang tayo dahil baka dumagsa agad ang press para mag-interview sa insidenteng ito."

Naubos na ata ang luha ko.

"Gising na ba siya?" tanong ko.

"Hindi pa."

Sinamahan lang ako ni Clark hanggang lumalim na ang gabi. Lumalabas din sila Heroic para tingnan ang kalagayan namin. Nakokonsensiya tuloy ako na wala akong lakas ngayon.

"Bibili ako ng dinner. Pasok na kayo sa kwarto. Nasa biyahe na raw si Sir Dancio." Lumabas naman si Forsythe at pinagsabihan kami. Kasama niya si Lawron.

Sasabihin ko sanang paparito lang muna ako kaso kailangan ko ring kumilos. "Sige, pupunta na ako," nanghihina kong sabi.

Hinaplos ni Forsythe ang balikat ko bago niya ito tinapik.

Nauna na rin silang maglakad palayo para bumili ng pagkain.

Matapos ang ilang minutong katahimikan namin ni Clark, tumayo na siya. "Tara na. Para magpahinga ka na rin."

Tumango ako at tumayo na lang din.

Hindi pa ako nakakaisang hakbang mula sa kinatatayuan ko, nakita naming tumatakbo pabalik sila Forsythe at Lawron.

"'Yung press.. marami sila.. sa baba.."

"Guys, nasa city proper na si Sir Dancio." Lumabas si Orion na may hawak na cellphone.

"May press na sa baba na nakaabang!"

Tumakbo kami papunta sa kwarto pero lumabas din si Boss na natataranta. "Masyadong maraming press sa labas ng ospital. Panigurado, susunod na sila kapag papunta na rito si Sir Dancio. Hindi tayo pwedeng makitang magkasama lahat."

"Sino naman ang magpapaiwan?" tanong ni Heroic.

"Ako na lang," prisenta ni Clark.

"Apo ka ni Rob Richards. Baka madamay ka," sabi ni Boss.

"Ako," sabi ni Forsythe.

"Huwag," matigas na sabi ni Boss. "'Yung mabeblend sa sitwasyon ngayon."

"At kailangan pang umakto na nasa misyon tayo?" tumaas ang boses ni Orion. "Naaksidente na si Danger ngayon at kailangan pa nating gawin ito?! Kailangan tayo ni Danger!"

"Hindi ko kayang may mapahamak ulit sa inyo!" lumakas din ang boses ni Boss at kitang-kita sa mga mata niya ang hinanakit at galit sa nangyayari ngayon. "Kaya kung may ebidensyang magkasama tayong lahat na nakuha ng mga press, maghuhukay ang mga tao ng impormasyon para makilala tayo!"

Natahimik kaming lahat kaya napatakip ng mukha si Boss.

"Kung pwede lang ako..." bulong niya. Tinakpan niya ang bibig niya gamit ang kamao.

May naaninag na kaming sunod-sunod na kislap mula sa daanan.

Andito na ang press sa loob ng ospital.

Para kaming nanlamig sa kinatatayuan namin nang marinig ang ingay na papalapit sa akin.

"Shit," Boss whispered.

"Ako—" pinutol ko ang sasabihin ni Heroic.

Hindi rin siya pwedeng makita ng press.

Hindi na mauulit.

"Ako."

Kumunot ang mukha ni Boss. Hindi lang sa kaniya kung hindi pati rin sa iba. Alam kong hindi sila sasang-ayon na maiipit ako sa mangyayari ngayon pero kailangang ako ang magpaiwan.

"Student nurse ako," dagdag ko.

Nakatapak na ang mga press at samutsaring ilaw ng bumabalot sa hallway.

"Umalis na kayo."

"Move! Move!" Nagsimula na silang maglakad palayo.

Hindi ko sila nilingon at pumasok agad ako sa kwarto ni Danger.

Pumapagitna na ako sa katahimikan sa loob at ingay sa labas.

At nang makita ko si Danger sa kalagayan niya ngayon, kinailangan kong magpakatatag dahil wala na talaga akong kasiguraduhan sa mangyayari.

I had to stay by his side.

That's what I should have done in the first place.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com