Chào các bạn! Truyen4U chính thức đã quay trở lại rồi đây!^^. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền Truyen4U.Com này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 5

Maaga akong pumasok sa University. Dahil wala na akong ginagawa sa ibang subjects ko, pumila na ako sa Accounting Office para humingi ulit ng update tungkol sa bayarin ko.

Wala rin silang natatanggap na bayad mula sa magulang ko. Pinaupo muna ako sa waiting area habang pinapanood ang mga ibang ka-department kong pumila na para iupdate ang Assessment nila.

Hindi ko mapigilang mainggit sa mga nakikita kong masaya na makakausad sila sa susunod na sem. Habang parami nang parami ang nakikita kong umaalis na roon at paliit nang liit ang bilang ng mga pumipila, mas lalong bumibigat ang loob ko. Hindi pa rin nila ako inuupdate dahil wala namang pinagbabago ang Assessment Sheet ko.

Umabot na ang lunch at hindi pa rin ako umaalis sa inuupuan ko. Ayaw ko naman ding madagdagan ang bayarin ko kung hindi pa man nakakabayad sila Mom. Atsaka, hindi rin ako makakakain nang maayos kung hindi ko pa nalalaman na makakapasok pa ako sa susunod na sem.

Dumami na naman ang mga nakapila. Halos silang lahat ay mukhag nakabayad na dahil walang tumabi sa akin para maghintay ng update. Mukhang ako lang ang hindi pa nakakabayad ah.

Kahit kumukulo na ang tiyan ko, hindi ako nagpadala roon. Kailangan ko maging matatag. Pakiramdam ko kasi, maiiyak na ako sa sobrang takot.

Buong araw ay nakaupo lang ako. Naubos na ang estudyante sa department namin. Hindi pa rin ako tinatawag ng In-Charge doon kaya tuluyang nanlumo ang buong katawan ko. Lumagpas na sa deadline ng bayaran sila Mom at mukhang hindi na talaga ako makakapag-aral.

Ala-sais na ng gabi at andito pa rin talaga ako. Nakatakip ang mukha, iniisip kung ano na ang gagawin ko sa buhay ko. Nagdadasal na ako dahil ayaw kong tumigil sa pag-aaral. Pinagdadasal ko rin na sana maayos lang sila Mom at Dad kung saan man sila ngayon.

"Ms. Marcues."

Napaangat ang tingin ko sa In-Charge ng Accounting Office. Bitbit na niya ang bag niya, mukhang tapos na ang trabaho niya at uuwi na sila.

"I'm sorry to say this but I think you're not able to make it."

Napahikbi ako sa mga palad ko. Ano na ang mangyayari sa akin? Paano na ako nito? Paano na ako makakaalis dito? Ayaw ko namang sumali sa mga nagrarally tuwing Lunes sa harapan ng White Hall.

"Pero, sa tingin ko, may paraan pa," bulong ni Mrs. Martha. Napaangat ulit ang tingin ko. "May Covert Scholarship ang White Hall ngayon."

Napakunot ang noo ko dahil meron palang ganun? Nawala na lang ang kunot ng noo ko nang may inabot siyang gray blue card na gawa sa platinum. Tinanggap ko iyon at tiningnan ang nakalagay doon kaso walang nakasulat.

"Binibigyan kami ng card pass para sa scholarship. And I saw how determined you are to finish college so I'll give you this. Kung gusto mong mag-apply doon at magpatuloy ng pag-aaral."

"May requirements po ba?" tanong ko.

"Hindi ko alam eh. Wala akong alam sa scholarship na iyon. Pero may meeting sa Dean's Office ngayong 7 PM ng mga nakatanggap ng scholarship."

"Thank you so much po!" buong pasasalamat ko. Nagpaalam na ako para pumunta sa Office of the University President kaso hindi ko maalala kung saan pa dadaan sa Main building ng Nodawn Univeristy.

"Nasaan po 'yung Office?" tanong ko kay Mrs. Martha na paalis na sana.

"Malapit sa Second Library," sagot naman niya.

Nagpasalamat ulit ako at nagtungo na sa Main Building. Ang lalaki kasi ng mga building dito sa NU. Kaya ang layo pa ng lalakarin. Dadaan pa ako sa College of Education, College of Medicine, College of Arts and Science at iba pa. Baka saktong 7 PM na kung makarating sa Dean's Office.

Hinihingal na ako nang makatapak sa Main Building. Kaso, ayun nga, hindi ko alam kung saan papunta sa Second Library nitong building na 'to!

"Excuse.. me.." naghihingalo kong tawag sa isang lalaking papasok pa lang ng building. Nakasuot siya ng uniform na mula sa College of Education. "Nasaan ang Second Library dito?" tanong ko.

"Nasa second floor, sa Left Wing tapos diretso lang, may intersection sa Secondary Main Hall ng Main Building at dumeretso ka sa kaliwang section. Makikita mo roon ang Second Library." Ngumiti siya. Ang bait naman ni Kuya. Ang linis pa tingnan sa uniform niya. Gwapo pa!

"Thank you!"

Nagsimula na akong pumunta sa second floor. Mabuti na lang namemorize ko agad ang sinabi niya. Kaso nakakalito rin pala. Hindi ko na alam kung ano ang kaliwa o kanan. Basta nakahanap ako ng Main Hall, hinanap ko ang Second Library. Nakailang ikot pa ako sa floor kung saan ako ngayon dahil nalito ako sa kaliwa't kanan na sinabi niya dahil sa iba ako nakaharap. Ilang minuto ang nasayang ko at nahanap na ang library, atlast!

Naaninag ko na ang sign ng Office of the University President. Pero agad na umagaw ng paningin ko ang lalaki kaninang pinagtanungan ko. Nasa harapan siya ng naglalakihang pintuan ng office. Nang naaninag niya akong naglalakad palapit, napatingin siya sa akin.

"Uy! Ikaw pala 'yan."

"Uhm.. andito ka para sa scholarship...?" mahina kong tanong.

Napatango siya. "Ikaw din?"

Naiilang man, tumango na lang ako. Parang nahihiya ako na mag-apply ng scholarship agad-agad. Ni hindi ko man ineexpect na darating ang araw na hindi ko na macocontact ang magulang ko para malaman ang desisyon kong ito. Kung nakakausap ko pa naman sila, hindi na ako aapply sa mga ganito. Hindi na ako magkakaproblema.  Pero asan na ba talaga sila?

Sabay kaming pumasok ng kasabay koong taga-Education. May mga tao na rin pala roon. Ayon sa mga suot nilang uniform: isa pang estudanteng taga-Education, isang Architecture at isang Business Management na may hawak na bola. Hindi ako nagkakamali, nakita ko na siya. Isa siya sa Basketball Players sa Cafeteria. Gustuhin ko mang mainis dahil naalala ko ang sinabi ng anak ko pero mas pinili kong magpanggap na wala akong alam.

"Hi, mag-aapply din kayo ng scholarship?" tanong ng kasabay ko sa ibang tao roon. Ang awkward kasi. Parang kanina pa sila tahimik doon.

"Oo," tipid na sagot ng taga-Archi kaso hindi tumitingin sa kaniya.

Nagkatinginan kami ng katabi ko na nahalata naming ayaw niyang makipag-usap.

Tumango naman ang isa pang Education.

"Kayo rin?" tanong naman ng taga-Business Management. Mukhang mabait naman siya ah.

"Yep," ako ang sumagot para sa aming dalawa ng katabi ko.

Katahimikan na naman ang bumalot sa amin. Gusto ko sanang magtanong kung ano mga kinuha nilang program kaso mukhang obvious naman dahil sa mga uniform nila at ID laces nila.

"Grabe, 7 na. Hindi pa rin magsisimula?" tanong ng katabi ko. Nakuha niya rin ang atensyon ng iba kaso walang balak sundan ng reaksyon sa sinabi niya.

"Anong kinuha mo?" tanong ko. Nakakacurious din. Ang cute kasi ng bunny pin sa ID lace niya.

"Bachelor of Early Childhood Education," nakangiti niyang sagot, halatang gustong-gusto niya ang pinag-aaralan niya. Hindi na rin ako nagtaka dahil napakakomportable niya agad kausap. Nakikita ko na sa kaniya ang pagiging Teacher ng mga bata!

"Ikaw?" tanong niya sa isa pang Education na kanina pa tahimik. Hindi pa nagsasalita mula kanina eh.

Ineexpect kong magsasalita siya pero sumagot siya sa pamamagitan ng pagpapakita niya ng suot niyang shirt. "Ah, Physical Education," pag-uulit ng katabi ko na may patango-tango pa.

Isang beses tumango ang lalaki. Parang hindi siya nagsasalita. Eh, magiging guro pa naman siya, paano naman siya magdidiscuss?

Hindi ko namalayan na napatitig ako sa lalaki na 'yun. Ang angas lang kasi ng dating niya. Kung ang dating ng Archi kanina ay suplado at suplado, siya naman ay sadyang tahimik lang na parang bato.

Tinakasan ako ng kaluluwa nang napatingin siya sa akin. Myghad! Nahuli pa niya akong nakatingin sa kaniya. Saglit akong napaiwas ng tingin. Unti-unting bumalik ang tingin ko sa kaniya para tingnan ang reaksyon ko pero nakita kong napasulyap siya sa katabi ko. Pero hindi niya napansin dahil tinitingnan niya ang ID niya.

Hindi nagtagal, napaiwas na siya ng tingin kasabay ang paglingon naming lahat nang may kumatok sa pintuan.

"Sana magsimula na," sabi ng taga-Business Management.

"Sana nga," pagsang-ayon ko.

Akala namin, Dean na ang pumasok dahil sa tangkad kaya napatayo kaming lahat. Pero napaawang ang labi ko nang makilala ko siya.

"Akala ko, Dean," rinig ko sa Archi at umupo na sa upuan.

"Same," sabi pa ng isa at umupo rin sa inuupuan ng isa.

Nakilala rin ako ng bagong dating kaya napaawang ang labi niya.

"Maggkakilala kayo?" tanong ng katabi ko.

Tumango agad ako.

"Ma?" tawag ng anak ko.

"Ma?" gulat na pag-ulit ng mga nakarinig.

"Nak?" tawag ko pabalik.

"Nak?" tulad kanina, gulat na namang inulit ang sinabi ko.

Tumakbo papunta sa akin ang anak ko na parang bata. Ang cute-cute niya talaga!

"Sorry, Ma na hindi ako nakapunta kaninang lunch. Naghintay kasi ako sa Accounting Office kasi hindi pa ako nakakabayad ng tuition," pagdadahilan niya kaya natigilan ako saglit.

"Hindi rin ako nakapaglunch kasi nasa Accounting Office din ako." Grabeng coincidence na 'to. Hindi ako makapaniwala.

 "Good evening."

Paupo sana kami kaso agad naman napatayo nang dumating na ang University President na may kasamang... shet. Andito ang Spokeperson ng Mayor! May mga kasama rin siyang guards kaya sobrang nakakaintimidate ang hangin na dala nila.

"Where are your card pass?" tanong muna ng University President.

Inangat ko ang card nabinigay sa akin ni Mrs. Martha. May inangat din ang iba na card na tulad sa akin. So, I conclude na pare-parehas kaming hindi nakabayad ng tuition.

"Mayor's Executive Assistant, Mr. Yu, I present you, 6 students from Nodawn University who will apply for the Scholarship offered by the White Hall. Student Files, Academic Records and Requirements for application to be submitted will be followed," pormal na sabi ng University President.

 Masasabi mo na sobrang pormal at seryoso ang oras na ito sa mga galaw ng tao rito. Pati naman ang tindig ni Mr. Yu ay ieenglish-in ka kung nakagawa ka ng mali.

Masasabi ring napakaconfidential ang meeting na ito dahil office ito ng University President pero ang University President mismo ang umalis para iwan kami kasama si Mr. Yu at ang men in black suit with shades and earpieces.

"6? I was expecting 8," sabi niya sa katabi niyang guard.

Hindi namin alam kung ano ang sasabihin namin. Atsaka hindi pa naman kami ganoong magkakilala.

"Good evening, everyone. While waiting for your biodata, I would like to thank you all for your hardwork to finish college and also for your interest to apply for the scholarship," panimula niya. Sa totoo lang, kahit magaan ang pakikitungo niya, hindi ako komportable sa inuupuan ko.

Dahil siguro, galing sa gobyerno ang bayad namin sa pag-aaral, masyadong nakakailang mag-apply dahil iilan lang ang slots. Parang ang imposible naman na magkaroon kami ng scholarship na libre lang. Kung galing talaga sa White Hall? Wala akong tiwala.

"If you're asking why this scholarship is confidential for now, we have only limited slots for those who are qualified. Nodawn University currently has 240,000 students enrolled, almost 30% of them dropping out because of insufficiency."

 Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para hindi ako umirap sa naririnig ko. Ang bigat sa loob na ipasok ang utak ko ang pinagsasabi nila. Gusto kong sumuko.

Nakita ng katabi ko ang tinatago kong reaksyon. Mahina siyang natawa at may inalok sa akin, sachet ng gumdrop. Tumanggi ako na may ngiti sa labi. Wala pa ako sa mood na kumain. Baka isuka ko lang habang nakikinig sa pinagsasabi ngayon.

"This is the first batch of White Hall's scholars. We'll provide you not only your tuition fees and allowances but also a 2-storey-house with 8 rooms, 4 comfort rooms, living room, kitchen, backyard and a parking lot located in Nodawn Villa. Food and supplies will be provided so nothing to worry about."

Kung hindi ako mulat sa dumi ng White Hall, papayag agad ako sa inooffer na scholarship. Akalain mo 'yun, hindi lang tuition ang meron ka, may bahay at pagkain na rin! Pero dahil wala akong tiwala sa kanila, naiisip ko na agad na may kapalit ang inooffer nila.

"Before proceeding to the rules and regulations, let's start the introduction with the forms I received just now," sabi niya sabay tingin sa laptop na nasa ibabaw ng table.

Shet, ba't ako kinakabahan? Hindi ba pwedeng umatras?

"Mr. Mendez."

Nagtaas ng kamay ang guy na tahimik.

"Forysthe Mendez, Bachelor of Physical Education."

Napatingin kaming lahat sa kaniya. Nabighani ako sa pangalan niya na bumagay sa aura niya.

"Mr. Rose."

Walang nagtaas ng kamay.

Sino naman 'yun?

"Sorry, I'm late!"

Napalingon kaming lahat nang bumukas ulit ang pintuan at pumasok ang isang lalaki.

Na sobrang pamilyar.

Na nagpakulo bigla ng dugo ko.

At nang nagtama ang paningin namin, automatic na sinamaan ko siya ng tingin. "Ikaw?!" I mouthed.

Kunwari nagulat pa siya at binigyan ako ng kindat. Ito ang magandang dahilan kung bakit gusto kong magsuka. Bakit kailangan ko pa siyang makita?! Akala ko ba hindi na magtatagpo ang landas namin?

"Danger Rose, Bachelor of Science in Mechanical Engineering. Why are you late in this kind of gathering?" tanong ni Mr. Yu.

Mas lalo akong nailang nang umupo ito sa tabi ng anak ko. Langya naman. Hinawakan ko ang bisig ng anak ko para medyo ilayo ito sa sa kapahamakan.

"Sorry po, just finished an exam," pacool nitong sinabi at sumamdal sa sofa. Tiningnan ulit ako at ngumisi.

"Penge na," sabi ko sa katabi ko at kinuha ang sachet ng gumdrop. Inis akong ngumuya habang iniisip na walang Danger ang nasa tabi namin.

"Mr. Glint," pagpatuloy ni Mr. Yu.

Nagtaas ng kamay 'yung taga-Architecture.

"Orion Glint, Bachelor of Science in Architecture."

Napaiwas ng tingin si Orion at pinagpatuloy ang paglalaro ng dulo ng uniform niya.

"Mr. Wilson."

"Hello po! Present!" sabi ng katabi ko. Sobrang taas ng energy at positivity niya. Hindi ko mapigilang mapangiti.

"Heroic Wilson, Bachelor of Early Childhood Education."

Napatango ulit si Heroic at napatingin sa akin. Ngayon, alam ko na ang pangalan niya.

 "Hi Heroic," mahinang bati ko.

Tumawa siya at pinakita ang palad niya. "Huwag mo munang sabihin ang pangalan mo. Hihintayin kong banggitin ni Mr. Yu," natatawa niyang bulong kaya mahina rin akong natawa.

"Mr. Richards," tawag ni Mr. Yu at tinaas ng Business Management ang bola nito.

"Clark Richards, Bachelor of Science in Business Management," siya na mismo ang nagdugtong.

Napatingin ako sa anak ko. Nakilala niya ang lalaki na 'yun pero nginitian niya lang ako.

"Mr. Caroles?"

"Present po," sabi ng anak ko.

"Lawron Caroles, Bachelor of Science in Accountancy."

"Lawron," pagbabanggit ko. Tumango naman siya na may ngiti sa labi, parang masaya siya nang mabanggit ko ang pangalan niya.

"Ms. Marcues?"

Ngayon na silang lahat ay napatingin sa akin, nanghina ako. Ako lang pala ang babae rito.

Nagdadalawang-isip pa akong itaas ang kamay ko dahil parang pumapayag na ako sa scholarship. Natatakot pa rin ako, ewan ko.

"Jennifer," tawag ni Danger.

Sinamaan ko siya agad ng tingin. Ito na naman siya sa Jennifer niya!

"Uy, Jennifer, tawag ka na," sabi ni Heroic kaya nagpanic ako. Narinig nila 'yun! Jusko! Akala nila Jennifer talaga ang pangalan ko!

"Bloom Jinx po!" nagmamadali kong pagpakilala at napataas pa ng kamay. Sa sobrang inis, mabilis pa akong nagpakilala. Nagulat silang lahat sa pagpapakilala ko kaya napabuga ng tawa ang iba. Lalo na 'yung Danger. Tawang-tawa sa nangyari.

"Okay, Bloom Jinx Marcues, Bachelor of Science in Nursing." Pati ba naman si Mr. Yu, pinipigilan ang tawa. Kaso pagkatapos tumikhim, sumeryoso agad siya.

"Ay wow, Bloom," nabibighaning sabi ni Heroic.

"I prefer, Ma," sabi ng anak kong si Lawron.

Natawa na lang ako at inalok siya ng gumdrop na hawak ko.

"Where is he?" tanong ni Mr. Yu sa guard na nasa tabi niya. Sino naman 'yun?

Biglang may nahulog na container sa mga shelf sa likuran namin kaya napatingin kaming lahat doon. Agad namang sinenyasan ni Mr. Yu na tingnan kung anong meron doon.

"Birthday mo ba ngayon, Mr. Richards?" tanong ni Mr. Yu kaya bumalik ang atensyon namin sa harapan.

Nahihiya man, tumango pa rin 'yung Clark. "Yes, but it's not that important."

"Can we sing a birthday song for Mr. Richards?" suggest ni Mr. Yu.

Kakanta sana kami kasi umiling si Clark. "Thank you but I suggest not."

Natahimik kami. It's his birthday! Dapat cinecelebrate 'yun!

I have soft spots for people who are celebrating their birthday. Like, it's their birthday! Their nativity! That should be celebrated!

"Happy birthday!" bati ko at inalok ko sa kaniya ang hawak kong sachet ng gumdrop. Dapat talaga, may gift ako. Kahit hindi ko pa siya ganoong kakilala.

Mahina siyang tumawa at kumuha ng isang pirasong gumdrop.

"Ako, Jennifer? Birthday ko 9 months ago!" singit ni Danger.

"Ayaw ko nga." But my words contradicted my action. Binigay ko kasi sa kaniya ang sachet.

"Thanks, Jennifer."

Napairap ako.

Habang may tinitingnan pa si Mr. Yu sa laptop niya, inalok na ni Danger ang iba pang hindi pa nakakakain.

"Oh, basura." Binalik pa sa akin na isa na lang ang laman.

"Ay, salamat ah," sarcastic kong sabi.

"No problemo." Nagchef's kiss pa siya.

Tinago ko ang sachet na may nag-iisang gumdrop sa bulsa ng blouse ko. Kasabay ang pagtindig ulit ni Mr. Yu para ipagpatuloy ang sasabihin niya.

"Continuing our topic earlier, the scholarship has only 8 slots and all of them are taken."

Sino naman ang isa?

"About the rules, you'll have 2 rules to remember."

Ano ba 'yan, ba't nakakakaba? Hindi naman ako uminom ng kape.

"First, since this is a private offer, you will tell no one about the benefits offered, activities held and other things about this scholarship," seryosong sabi ni Mr. Yu. Napaisip din ako kung bakit ginawang private itong scholarship dahil masyadong maraming estudyanteng nag-aaral at kung iopen sa lahat ang scholarship, walang ipoprovide na bahay na matutuluyan.

"Second, you are a team now. You'll do some missions together. The missions that will be given will give you some bonus allowances if you succeeded. If not, then none."

Shet, team daw.

Eh 'di, kateam ko na rin itong si Danger?

Langya naman!

Marami pang sinabi tungkol sa magiging pamamahay namin. Hindi naman nila binibig deal ang pagiging babae ko. Like, sa isang bahay, ako lang na mag-isa samantala ang mga kasama ko ay mga lalaki? Paano naman 'yun?

Lalo na't andoon si Danger? Parang nararamdaman ko na nasa panganib ang buhay ko. Maisusugod ata ako sa ospital dahil sa highblood. Naiimagine ko na.

"Any clarifications?"

Natauhan muli ako nang sumagot ang iba na wala. Okay lang sa kanila ang ganun? Hindi man lang nila tatanungin kung ano ang mga mission namin? Ano kami, agents?! Estudyante pa lang kami, uy!

"Paano po si Bloom? Sa iisang bahay, siya lang ang babae," pagbubukas ni Heroic.

Thank you, Heroic! Isa kang bayani!

"Are you comfortable having men around you, Ms. Marcues?" tanong ni Mr. Yu.

Hindi ko alam ang isasagot ko. Makikita nila ang mukha ko kapag walang make-up!

"I think, I can stay in my dorm.." mabagal kong sabi at hindi pa iyon sure. Malay ko bang tinanggal ang pangalan ko sa dorm dahil hindi rin ako makakabayad ng dorm?

Nagblangko ulit ang utak ko. Gusto kong tawagin sila Mom. Baka sakaling nagbayad na sila ngayon-ngayon lang or may message sila sa akin. Ayaw kong pumayag sa scholarship na ito na may kapalit!

"Now that you're all a team, the leader has given you all the authority to choose the name of your team."

At may leader pa pala?

Napatingin kaming lahat kay Orion pero umiling siya. Sumunod kay Forsythe pero wala siyang reaksyon. Nang kay Danger kami tumingin, ngumisi ito, "Baka gusto niyong Baby Dangers itawag sa inyo?"

Napailing agad kami. Walang maisip ang ibang nandito at nang napatingin silang lahat sa akin, para akong tinakasan ng kaluluwa. Ako nga rin itong walang maisip!

Habang ang mga kamay ko ay nasa bulsa ng uniform ko, nakapa ko ulit ang kinakain namin kanina. Dahan-dahan ko itong kinuha at binasa ang nandoon.

"Gumdrop.." bulong ko, nagdadalawang-isip pa.

Napalunok ako at inangat ang mukha ko. "Gumdrop?" tanong ko sa iba, humihingi ng opinyon kung magugustuhan nila.

Isa-isa silang napatango hanggang sa napatango na rin si Mr. Yu.

"Okay, Gumdrop..."

May nilapag na ballpen at papel sa ibabaw ng mesa na nasa gitna ng inuupuan namin.

"... sign the contract."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com