Chapter 6

Tama ba 'to?
Tama bang pumirma ako?
Pagkarating ko sa dorm ko ay agad kong tinawagan ulit sila Mom at Dad. Hindi ko talaga matanggap na nasa ilalim na ako ng pera ng Nodawn. Pakiramdam ko, nasa panganib ako. Para bang ito ang pinakamaling desisyon na ginawa ko.
Baka nadala lang ako sa pagpapanic na baka hindi na ako makakapag-aral?
Baka nadala lang ako sa mga benepisyo roon?
Gusto ko lang namang makapagtapos ng pag-aaral pero nang kumagat ako sa opportunity na iyon, parang mahihirapan pa akong makapagtapos nito.
"Mom.. Dad.. bakit ayaw niyong sumagot?" nanginginig kong bulong at paulit-ulit na tinatawagan ang magulang ko.
Sila Heroic, bakit madali silang pumayag sa alok na 'yun? Parang hindi sila nagdalawang-isip at hindi iniisip ang pwedeng maging mission. Pero hindi ko rin naman sila pwedeng ijudge. Baka gusto rin nilang makapagtapos at hindi nila gustong mahirapan pa kaya handa sila kung ano man ang mangyayari.
"Ano bang nangyayari?" bulong ko at napatakip ng mukha.
Kaso agad akong nag-ayos ng sarili nang bumukas ang pintuan at pumasok ang kasama ko sa dorm.
"Hi, gabi na ah?" tanong ko kay Wonder, kumukuha ngayon ng BS Mechanical Engineering.
Hindi kami ganoong kaclose pero nag-uusap naman kami. Hindi nga lang palagi dahil busy kami sa pag-aaral tuwing gabi.
"Leche 'yung katabi ko kaninang exam. Sumirit 'yung oil niya sa akin." Inis niyang tinuro ang itim na oil sa uniform niya. Lumukot ang mukha ko dahil naramdaman ko rin ang frustration niya.
"By the way, Bloom, may naghahanap sa'yo sa labas," sabi niya at kinuha ang tuwalya niya. Pumasok na siya sa CR kaya hindi na ako nakapagtanong kung sino. Pagbukas ko ng pintuan, nakita ko si Heroic doon, nakauniform pa.
"Uy, Heroic!" masaya kong bati.
"May dinner sa bahay... kumain ka na ba? Kain ka roon. Bumili 'yung leader ng dinner," sabi niya.
Medyo kumunot ulit ang mukha ko. I can't believe na kasali na talaga ako sa grupo.
"Andoon na ba siya?" mabagal kong tanong.
"Hindi. Hindi pa namin nakikita. Pero siya raw nagpadeliver. Halika na, doon ka na rin matulog. Dala ka nalang ng damit mo," dire-diretso niyang sabi.
Napailing ako. Hindi talaga ako comfortable umalis. Pero parang gusto ko.
"Don't worry. Mukhang makakapagtiwalaan naman 'yung iba. Mukhang malakas ang trip nung Danger pero mukhang matino naman 'yun kapag tulog."
Tumaas kaagad ang tiwala ko kay Heroic. Ang galing kasi niyang magkumbinsi at ramdam ko ang pagiging sincere niya.
"Kuha lang ako ng damit," paalam ko.
Tumakbo agad ako para lagyan ng mga damit ang bag na dadalhin ko. Wala namang klase simula bukas kasi sembreak na.
Nagdala rin ako ng ibang pwedeng dalhin hanggang sa maabutan ako ni Wonder na kasalukuyang nagpapatuyo ng buhok.
"Aalis ka?" tanong niya.
Muntikan kong sabihin kung saan ako pupunta. "Uuwi." Ngumiti ako. Naalala ko lang bigla ang unang rule.
"Aw, okay, ingat!"
Nagpaalam na ako sa kaniya at lumabas. Pagsara ko ng pintuan, nakita ko si Heroic na nakasandal sa dingding.
"Halika na?"
Tumango ako.
Nakakaisang hakbang pa lang ako, kinuha niya ang mga bitbit ko. Babawiin ko sana kaso mukhang ayos lang sa kaniya.
Hanggang sa makalabas na kami ng Girl's Dorm.
"Maganda ba 'yung bahay?" tanong ko.
"Oo. Para ngang mansyon eh. Kaso nakakalungkot."
"Bakit?"
Hindi siya sumagot. Hanggang sa nakalabas na kami ng University, tahimik lang siya. Bakit kaya?
Sumakay kami ng taxi papunta sa bahay. Hindi naman ganoong kalayo pero mukhang ang tagal ng biyahe dahil sa traffic. Kukunin ko sana ang wallet ko para magbayad nang makarating kami pero inunahan ako ni Heroic.
"Andito na tayoooo!"
Napanganga ako kung gaano kalawak at kaganda 'yung bahay. Hindi iyon ang ineexpect kong puro puti at kumikintab. Parang ang comfy masyado ng ambiance na sa mga indoor plants at sa mga structure ng bahay na parang kahoy. Para kaming nasa resthouse at ang sarap tingnan ang paligid.
"Si Lawron, umuwi muna sa lola niya. Si Danger, bukas pa raw darating," sabi niya habang papunta kami sa kusina.
"'Yung iba?"
"Nasa kwarto nila. Tinawag kong kumain nang sabay kaso ayaw nila. Wew." Sumipol siya. "Sinaraduhan pa ako ng pinto."
"Ay," sambit ko at napailing. Ayaw ba nilang kumain? At ang lakas ng loob nilang itanggi ang alok ni Heroic? Mga walang puso!
"Asan ang kwarto ko?" tanong ko. Naexcite kasi ako bigla.
"Sige, samahan kita."
Sabay kaming pumunta sa mga kwartong bakante. Naghanap ako ng aayon sa gusto ko. 'Yung iba kasing bakante ay masyadong madilim. Gusto ko 'yung may bintana kasi gusto kong tumingin sa labas.
"Gusto ko ito," sabi ko nang pumasok kami sa ikatlong kwarto. Light ang kulay ng dingding. Hindi gaanong kalaki ang higaan at nakadikit iyon sa dingding. May salamin at malaking cabinet. Kung kanina, iniisip kong ayaw kong tumira rito, parang gusto ko na ngayon.
"Gusto mo bang magbihis muna?" tanong niya habang tinitingnan ang lambot ng higaan ko.
"Huwag muna. Halika naaa! Gusto kong kumain." Matapos kong ilagay ang bag ko sa upuan doon, sabay na naman kaming lumabas.
Kaso napatigil ako sa mga kuwartong nakasara.
"Uhm, una ka na lang. Try ko silang tawagin ulit," sabi ko kay Heroic.
Napatango siya. "Sige, mag-aayos lang ako ng mesa."
Una akong lumapit sa pintuan katabi ng kwarto ko. Hindi ko alam kung sino ang nandito kaya kumatok na ako. Nakailang katok na ako hanggang sa wakas! Bumukas na ito at bumungad sa akin ang bagong gising na Orion. Oh no, mukhang badtrip...
"Gusto mo bang kumain? Tara, kain tayo.." mabagal kong alok.
"No thanks. Gusto kong matulog." Sabay padabog na pagsara ng pintuan.
Napahawak naman ako ng dibdib. Grabe na naman 'yun.
Sumunod naman ako sa sunod na pintuan. Unang katok pa lang ay bumukas na agad ito at nagmamadaling lumabas si Clark.
"Uy, gusto mong kumain? Kain tayo," alok ko pero busy pa siya sa pag-aayos ng damit niya.
"Thank you pero kasama ko ang teammates ko. Next time na lang." Tinapik niya ang balikat ko at tumakbo na paalis.
Wow. Nareject na naman! Pero birthday naman niya kaya ayos lang na kasama niya ang teammates niya.
Sumunod ako sa nag-iisang nakasara na pintuan. Ilang beses akong kumakatok. Mukhang walang tao eh. Nakalock din ang pintuan. Kumatok ako nang mas malakas. Baka marinig naman niya.
Atlast, bumukas na ito at nanlaki ang mga mata ko nang makita si Forsythe na nakaitim na sando at nakapants pa. May headphones pang nakasabit sa leeg niya.
"Gusto mong kumain? Kain tayo nila Heroic," mahinahon kong alok. Sana naman, pumayag siya!
Umiling siya at tinuro ang laptop niyang nakapatong sa kama. Nakita kong in-game siya sa laro niya kaya nataranta ako. "Sorry! Sige, maglaro ka na. Kung gutom ka, bumaba ka na lang ha?" nagmamadali kong sabi. Tumango na lang siya at dahan-dahang sinara ang pintuan.
Ano ba 'yan! Mukhang kaming dalawa lang ni Heroic ang kakain nito ah!
Bumaba na ako na may lungkot sa mukha. Ayaw talaga nilang kumain.
"Oh, 'di ba, nakakalungkot?" natatawang sabi ni Heroic habang nilalagyan ng pizza ang dalawang plato. May mga iba pa siyang nilagay doon.
"Inalok mo rin ba sila?" tanong ko pagkatapos maghugas ng kamay.
Tumango siya bago ibigay sa akin ang plato na may mga pagkain. Siyempre, una kong pinapak ay ang fried chicken.
"Nang may pinadala na pagkain dito, galing daw sa leader, tinawag ko 'yung mga nasa taas. Kaso ayun, ayaw daw nila. Ayaw ko rin namang kumain na mag-isa. Pinuntahan kita sa dorm niyo. Mabuti na lang, nakasabay ko 'yung kadorm mo kaya hindi ako naligaw."
"Madaldal ka talaga 'no?" tanong ko habang kumakain.
"Slight. Parang ganun na nga pero tahimik talaga ako," magulo niyang sagot kaya napakibit-balikat ako. Basta ang pagkaintindi ko, madaldal talaga siya.
Sabay kaming kumain at ang sasarap naman ng pagkain! Nakalimutan ko pang magbihis ng uniform!
"Okay lang sa'yo ang scholarship na may kapalit?" tanong ko pagkatapos uminon ng softdrink.
"Uu," nakanguso niyang sagot. Ngununguya pa kasi siya. "Kaysa naman hindi matuloy ang pag-aaral ko at habang buhay akong nasa Nodawn."
"Balak mong umalis sa Nodawn?"
"Sino ba naman ang gustong manatili rito?"
Oo nga naman.
Nagplano na rin kami na sasamahan namin ang isa't-isa para kunin ang mga kagamitan namin sa mga dorm namin. Mukhang kami lang ang magiging close nito sa Gumdrop (hindi pa rin ako sanay sa pangalan na 'yun o baka hindi ko lang matanggap dahil ako nakaisip nun?) kasi dumidistansya pa ang iba.
Dito na talaga ako titira. Mukhang papayag na talaga akong tumira rito at pumayag sa mga magiging misyon. Hindi naman ako nag-iisa eh, kasama ko rin naman si Heroic.
"Ako na maghuhugas," sabi ko.
"Sige, ilalagay ko 'yung iba sa ref."
Habang pinapanood si Heroic na maglagay ng pagkain sa loob, napapansin kong alam niya kung saan iyon dapat ilagay. Parang taong bahay talaga siya at alam ang gawaing bahay.
Umalis saglit si Heroic. Baka maghihilamos. Naiwan naman ako sa kusina habang nilalagay sa cabinet ang mga pinagkainan namin. Tinitingnan ko pa ang ibang cabinet kung ano ang laman para alam ko. Chinecheck ko rin ang iba para maorient ako sa pwesto ng kagamitan sa tutuluyan ko.
Malinis na ang lamesa at lababo kaya handa na akong umakyat sa itaas. Nakauniform pa kasi ako ng nursing kaya nababahala ako na baka mamantsahan pa 'to.
Kaso paglingon ko, para akong tinakasan ng kaluluwa. May lalaking nakasalamin ang nakatayo kalayuan mula sa akin.
Hindi ko siya kilala pero sa titig pa lang niya, para akong hindi mapakale. Lumakas pa ang kabog ng puso ko. Dahil ba sa gulat ito?
"Hi," kalma niyang bati. Hindi siya ganoong kaseryoso, hindi rin ganoong kasaya. Hindi rin gaano kabigat ang hangin na dala niya.
"Hi.." Pinanood ko lang siyang pinatong ang mga librong dala niya sa lamesa.
"Kumain na ba kayo?" tanong niya na hindi nakatingin sa akin.
"Oo," diretso kong sagot. Doon ako napaisip na baka siya 'yung leader namin? "Ikaw?" tanong ko pabalik.
"Bukas na lang siguro."
Napaiwas ako ng tingin. Masyado ko ata siyang natitigan! Hindi natuloy mawala sa isipan ko 'yung physical features niya!
"Pwede ka namang kumain ngayon. Madali namang kunin 'yung mga pagkain." Papunta sana ako sa ref pero nakita kong palapit din siya sa ref kaya ako tuloy ang lumayo. Shems, bakit ba ako nagkakaganito?
"Masarap ba 'yung Lasagna?" tanong niya habang tumitingin sa loob ng ref.
Confirmed! Siya nga 'yung leader namin!
"Super," sagot ko naman.
Aalis na ba ako? Kaso wala siyang kasama eh. Hintayin ko sigurong siya muna ang umalis? Or mauna akong umalis?
Tumigil ako sa paglalakad nang nasa harapan ko na ang mga libro niya. Habang busy siya sa pagtingin ng mga makakain doon sa loob ng ref, binasa ko ang pangalan niya sa libro.
Stalwart Boss.
"Uhm.." kusang kumawala iyon sa bibig ko kaya nakuha ko ulit ang atensyon niya. Nang sinara niya ang ref, naglakad siya palapit sa akin kaso may lamesa sa pagitan namin.
"Bakit?"
Shems ulit.
Napalunok ako and unconsciously, nakapa ko ang laman ng bulsa ko sa kaba. Naramdaman ko ulit ang sachet na dala-dala ko.
"Uhm, alam mo na ba 'yung pangalan ng... group?" tanong ko.
"Oo," sagot niya sabay tango.
Nilabas ko ang sachet ng Gumdrop na kinain namin kanina.
"Okay lang ba ang Gumdrop?"
Hindi siya ngumiti pero tumango ulit siya. Parang kahit super kalma lang siya, ang hirap niyang pangitiin.
"Gusto mo?" Inalok ko ang nag-iisang piraso sa loob. Kaso narealize kung gaano kaweird ang ginawa ko. Atsaka, isa na lang ang laman! Kumain kasi 'yung iba at ang pagkaalala ko, kumain din sila Forsythe, Clark at Orion noong inalok ni Danger. "Pasensya na, isa na lang laman. Nakakain din kasi ang iba kanina sa meeting." Baka kasi sabihin pa niyang natagalan na 'yun.
Kinuha pa rin niya ang sachet at kinain ang nag-iisang piraso.
"Ayos lang, walo lang talaga ang laman nito eh."
Dahil sa sinabi niya, kinuha ko pabalik ang sachet para tingnan ang nakalagay dito.
Gumdrop
8 GUMMIES
Napabuga ako ng tawa. Ang galing lang na nasakto para sa aming walo kanina.
"Can I keep this?" tanong niya.
Dahil doon, parang natunaw ang loob ko.
Him, keeping this small and thin package. That's so sweet.
Binigay ko iyon sa kaniya. Tumango siya at kinuha na ang libro sa lamesa.
"I'll go ahead."
Ay, akala ko ba, kakain pa siya?
"Oh, okay."
Baka bukas na lang siya kumain.
"Alright. Good night, Bloom."
Para akong nalunod sa hangin. Nahirapan bigla akong huminga at lumunok. Inaamin kong gusto ko ang pangalan ko pero ngayon, parang gumanda lalo nang binanggit niya iyon. Oh jeez, Bloom, ano bang nangyayari sa'yo?
Hindi ako nakapagsalita agad kaya naglakad na siya palayo. Kaso nang hindi pa siya nakakaalis sa kusina, nagsalita na ako, "Good night, Stalwart?" hindi ko sure na pagbanggit ng pangalan niya.
Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, isang malaking sayang ang narinig kong mahina siyang natawa pero nakatalikod siya sa akin.
Lumingon siya.
"Call me Boss," he said as he raised a corner of his lips.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen4U.Com